SAINTS OF OCTOBER: MAHAL NA BIRHEN NG SANTO ROSARIO
OKTUBRE 7
A. KUWENTO NG BUHAY
Ang kapistahan ngayon ay hango sa isang mahalagang pangyayari sa kontinente ng Europe noong 16th century. Nagsama-sama ang mga puwersa ng ilang mga bansa doon, sa pangunguna ng Espanya, upang pigilin ang paglusob ng mga puwersa ng mga Turko o ng mga Ottoman. Ang mga kalaban na ito ay tagasunod at tagapagpalaganap ng pananampalatayang Islam.
Dahil malaki ang posibilidad ng pagkatalo ng mga puwersang Kristiyano, hiningi ng Santo Papa Pio V na magdasal ang lahat ng tao sa Europe ng Santo Rosario upang makamit ang tagumpay sa tulong ng Mahal na Birheng Maria. At bagamat napakalaki ng puwersang Turko, napabagal ang pag-atake nila patungo sa kontinente at napilitan silang bumalik. Isa itong malaking tagumpay na itinanghal bilang isang tunay na himala na dulot ng Mahal na Birhen dahil sa pagdarasal ng Santo Rosario.
Natatag ang kapistahan ng Our Lady of Victory(Mahal na Birhen ng Tagumpay) na taun-taong ipagdiriwang tuwing Oktubre 7 bilang paggunita sa pangyayaring ito. Dumaan ang ilang panahon at pinalitan ang kapistahan ng titulong Feast of the Holy Rosary (Kapistahan ng Santo Rosario). Napalitan ulit ang tawag sa pistang ito ng bagong pangalan Our Lady of the Rosary (Mahal na Birhen ng Rosario) na siyang ginagamit natin ngayon.
Nasa puso ng kapistahang ito ang kapangyarihan ng panalangin, lalo na ang panalangin ng Santo Rosario. Sino nga bang Katoliko ngayon ang hindi nakaaalam tungkol sa Santo Rosario, ang mga kuwintas na binubuo ng mga butil na siyang gabay sa pagninilay sa mga Misteryo ng Tuwa, Hapis, Luwalhati at Liwanag. Sa maraming lugar kung saan bihirang makadalaw ang mga pari, kalimitan na ang Santo Rosario lamang ang tagapagpanatili ng tatag ng pananampalataya ng mga tao.
Halos lahat ng mga dakilang relihiyon sa mundo ay may mga rosario na ginagamit tulad ng makikita natin sa mga Buddhist, Hindu, at Muslim. Kaya ang paggamit ng mga ito ay isa sa pinakamatandang paraan ng pagdarasal.
Ang kaibahan ng rosario ng mga Kristiyano ay ang pagdarasal ng “Ama Namin” at “Aba Ginoong Maria” habang inaalala ang mga misteryo o pangyayari sa buhay ng Panginoong Jesus at ng kanyang Mahal na Ina. Ito ay vocal prayer dahil kabisado at pauli-ulit na binibigkas ang mga salita pero ito din ay contemplative prayer dahil ito ay nagmumula sa pagtutuon ng isip at puso sa mga pangyayaring naganap sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Ang mga panalanging ito din ay biblical prayerdahil ang mga dasal at mga misteryo ay pawang nagmumula sa Salita ng Diyos.
Isang popular na kuwento ang nagsasabi na ang Santo Rosario ay ibinigay ng Mahal na Birheng Maria kay Santo Domingo de Guzman, ang tagapagtatag ng mga Dominicans bilang mabisang kasangkapan sa pagpapalaganap ng katotohanan laban sa mga nagtuturo ng maling pananampalataya.
Ang buong buwang ng Oktubre ay tinatawag ding Month of the Rosary dahil inaanyayahan ang lahat na magdasal nito sa buong buwan. Sa Pilipinas, popular ang pagdarasal ng Santo Rosario sa mga simbahan at sa mga grupong pang-simbahan bilang isang debosyon. Ito rin ay ipinalalaganap sa tulong nga Block Rosary Movement kung saan dinadala sa bawat tahanan ang imahen ng Mahal na Birhen upang akayin at turuang magdasal at magdebosyon ang mga miyembro ng pamilya.
May panahon na halos lahat ng Katoliko sa Pilipinas ay matatagpuang may dalang Santo Rosario sa kanilang bulsa o sa kanilang bagsa paglabas ng bahay bilang tanda ng pagmamahal sa Mahal na Birhen at sa ispesyal na panalanging ito.
Napakagandang panalangin ang Santo Rosario dahil ito ay madali, mabisa at malapit sa ating puso. Ito ang paboritong panalangin ng aking inang si Consuelo at dinadasal namin ito sa kanya noong hindi na siya makapagsalita dala ng karamdaman. Sa aking pagkabata, nakikita kong dinarasal niya ang Santo Rosario gabi-gabi bago matulog. Ang mga dasal na bumubuo sa Santo Rosario din ang mga salitang naging kalakbay niya sa mga huling sandali ng kanyang buhay.
Isang propesor sa University of Santo Tomas ang nagturo sa amin sa college, na dasalin araw-araw ang Santo Rosario kahit na sa paglalakbay sa bus o sa dyip. Malaking tulong ang mungkahing ito sa aking paglago sa pagpapahalaga sa panalangin ng Santo Rosario.
B. HAMON SA BUHAY
Nauuso ang pagsusuot ng kuwintas ng Santo Rosario sa leeg bilang isang dekorasyon. Subalit mas maganda kung ito ay hindi palamuti sa katawan kundi isang kasangkapan sa panalangin. Ugaliin natin na laging magdala ng Santo Rosario sa ating bulsa o bag tuwing tayo ay lalabas ng bahay. Higit pa doon, ibalik natin ang araw-araw na pagdarasal nito kasama ni Mariang ating Ina tungo kay Jesus na ating Tagapagligtas at Diyos.
K. KATAGA NG BUHAY
Lk 1: 28
Pumasok ang angel at sinabi sa kanya: Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.