Home » Blog » IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 

PAHINGA PAHINGA DIN PAG MAY TIME..

Mk 6: 30-34

 

thanks, fr tam nguyen
 

 

Bata-bata pa ako nang marinig ko ang payo: “Pakinggan mo ang katawan mo.” Siyempre hindi ko ito sinunod! Subalit hindi maikakaila na nagsasalita nga ang ating katawan. Sinasabi nito sa atin na sabik at handa na ito sa trabaho. Naghuhudyat ito kung masaya, malakas, at inspirado ito. At nagpapahiwatig ito sa atin kung ito naman ay gutom, nag-aantok, maysakit o pagod na.

 

Nakamamanghang napansin ng Panginoong Hesus ang mga hudyat ng katawan. Nang makita niyang pauwi na mula sa misyon ang mga apostoles, sinalubong niya sila ng: “Magpahinga kayo nang kaunti…” Malamang napansin niya ang mga katawan nilang malagkit sa pawis, nangangamoy, nanlulupaypay at gutom na gutom. Masyadong seryoso sa misyon ang mga alagad na sa kanilang pagbabalik, ang kailangan nila ay konting pagkain at malambot na higaan.

 

Nakagugulat naman talaga ang ating katawan. Hindi lang ito bahagi natin; ito tayo mismo kapag tiningnan tayo ng iba. Kaya nga ngayon sinasabi nating kailangan nating mahalin at tanggapin ang ating katawan anuman ang hugis, kulay o kundisyon nito. Kailangan nating igalang ang ating katawan at panatiliin itong malusog. Kapag tinitingnan ng Diyos ang kanyang mga anak, hindi niya nakikita lamang ang purong espiritu o kaluluwa. Ang nakikita niya ay ang ating katawan. Sabi ni Sta. Catalina ng Siena: “Ang katawang ito ang katawang minamahal nang Diyos tuwing pinagmamasdan niya ako.”

 

Magpahinga nang kaunti… napapanahong payo. Mahalaga ito ngayong kahit di nakikitang virus ay kaya tayong patumbahin agad. Ang pag-aaruga sa katawan ay para na ring pag-aaruga sa mga mahal sa buhay, sa ating mga pangarap, sa ating kinabukasan. Nang mapansin ko ang pinsan kong subsob sa trabaho, binalalaan ko siyang maghinay-hinay pero ayaw makinig. Tumigil din siya konti nang napansin niyang sobra na ang istres, hapung-hapo na siya at hindi na malikhain sa trabaho.

 

Sabi ni San Josemaria Escriva ang pahinga ay hindi katamaran. Kailangan din nating maglibang, magbawas ng gawain, magkaroon ng hobby, sports, at barkada. Kailangan natin ng katahimikan, pagbabasa, at ang tinatawag na me-time! Siyempre, ang sabi ng Panginoong Hesus ay “konting pahinga” hindi sobra, sapat lang para muling lumakas at inspirado sa trabaho man o sa pag-aaral.

 

Nakikinig ka ba sa iyong katawan? O sobra mo bang itinutulak ang sarili sa gawain na nakakalimutan mo na ang iyong pangangailangan pansarili? Manalangin tayong laging maalala na pangalagaan ang ating katawan, itong Templo ng Espiritu Santo, upang maging matibay at mapanariwa, sa ating paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.