KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD B
SULYAP SA PAG-IBIG
Mt. 28: 16-20
Masasabi nating ngayon ang pista ng pag-ibig, ng Diyos na pag-ibig, ng Diyos na umiibig sa atin. Maraming beses kapag sinabi nating pag-ibig ng Diyos, ang akala natin ay isa lang itong kaisipan. Subalit ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nakalutang, hindi katha lamang, hindi kulang sa laman o porma. Hindi iyan tulad ng pag-ibig na paksa ng mga manunula, pilosopo o mga romantiko. Salita lamang, matatamis na salita…
Kapag sinabi ng mga Kristiyano na pag-ibig, ang pag-ibig na iyan ay totoo, kongkreto, tunay. Ang Diyos ay pag-ibig at iyan ang karanasan natin sa ating buhay mula pa sa ating binyag. Ang Diyos ng pag-ibig ay Ama, Anak at Espiritu Santo.
Nang ninais ng Diyos na ipahayag ang kaganapan ng kanyang pag-ibig sa atin, ipinadala niya ang kanyang Anak upang tubusin tayo sa Krus niya at Pagkabuhay. Isinugo din niya ang kanyang Espiritu upang patuloy nating madama at mapagtanto na tayo nga pala ay minamahal.
May mas totoo pa ba kesa makita mo ang Anak ng Diyos na nakapako sa krus upang alisn ang kasalanan natin at palayain tayo? May mas tunay pa ba sa makita mong nabuhay siyang muli at kapiling natin siya muli hanggang sa dulo ng mundong ito?
May mas hihigit pa ba sa malaman mong nasa puso mo ang Espiritu Santo upang baguhin ka at pagbalik-loobin ka sa Diyos unti-unti sa bawat araw? Walang patid nating nadarama ang pagmamahal ng Ama sa ating pagtanggap sa Anak at Espiritu Santo at sa ating pagbabahagi ng pagmamahal na ito sa ating kapwang kasalamuha araw-araw.
Ito ang kaibahan ng ating pananampalataya; unique at orig talaga! Kaya nating talakayin ang pag-ibig dahil ito ang karanasang dulot ng Diyos ng pag-ibig na nagpapakilala bilang Ama, Anak at Espiritu Santo.
Ang mga relihyon na naniniwala sa Diyos pero hindi naniniwala sa Santisima Trinidad o sa Holy Trinity ay bihirang magsalita tungkol sa pag-ibig, kung gawin man nila iyon. Ang iba sa kanila ay laging paksa ang kapangyarihan, ang iba ang kapayapaan, ang iba naman ay karunungan. Subalit mga Kristiyano lamang, ang mga tagasunod ng Santissima Trinidad, ang tanging laging nagsasalita ukol sa pag-ibig dahil ito ang kahulugan ng Diyos natin. Isang Diyos sa Tatlong Persona – ang Diyos na nagbabahagi ng pagmamahal sa atin.
Sa susunod na magdadasal ka at gagawin mo ang Tanda ng Krus, hilingin mo sa Panginoon na punuin ka ng pag-ibig at bigyan ka ng biyaya na tulad niya ay magbahagi ng pagmamahal at paglingap sa mga tao sa paligid mo. Amen