Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY, LINGGO NG HABAG B

IKALAWANG LINGGO NG PAGKABUHAY, LINGGO NG HABAG B

PILIIN MONG MAGING MALAYA

 


 

 

Sariwa sa ala-ala ng isang tao ang pang-aapi ng kanilang kapitbahay sa kanyang pamilya noong bata pa siya. Minsan nakita niya muli ang kapitbahay na ito na ngayon ay matanda na at mahina na. Bumalik agad ang mga masasakit na ala-ala. Subalit nang magkasalubong sila inabutan niya ang matanda ng pagkain. Nasabi niya sa mga kaibigan niyang ang una niyang reaksyon ay maghiganti pero sa huling sandali, pinili niyang magpatawad. Naramdaman niya ang kalayaan sa nakaraan, at ngayon siya ay malaya, mapayapa at maligaya nang haharap sa kinabukasan.

 

Pinatawad ng Panginoong Hesus ang mga sundalong nagpako sa kanya sa krus. Ganun din ang ginawa niya sa katabing magnanakaw. Subalit may mga taong wala sa eksena sa Kalbaryo – ang mga kaibigan at alagad niyang tumakas at nang-iwan sa kanya.

 

Ngayon ang mga alagad na ito ay nagtatago, takot sa mga Hudyo. Hindi kaya nagtatago din sila kasi nahihiya sila sa ginawa nila sa kanilang Panginoon? Kaya nang lumitaw si Hesus sa gitna nila, walang nakaimik. Maaaring naghihintay sila ng galit, ng sermon mula sa Panginoon. Sa halip, ang binanggit ni Hesus ay kapayapaan, pagpapatawad at pagkakaloob ng Espiritu Santo.

 

Ang paraan ni Hesus ay habag. Ang kanyang Ama ay “mayaman sa habag.” Ang Espiritu Santo ay tagapagdala ng karanasan ng habag. Maaaring piliin ni Hesus ang magalit at manghusga sa mga tumalikod sa kanya. Sa Pagkabuhay, lumaya na siya sa krus ng poot at kasalanan, at hindi na siya maaaring maipako dun muli. Pinili niya ang habag dahil ito ang landas ng kalayaan at bagong buhay.

 

Nakararanas tayo ng masasamang bagay sa kamay ng mga nakapalibot sa atin. Nasasaktan nila tayo kahit hindi nila pakay. Bilang mga Kristiyano, ang kuwento natin ay Pagkabuhay. Hindi tayo nagpapasyang maghiganti at mapoot kundi magpatawad… kahit mahirap at dahan-dahan. Ang mamuhay sa galit ay ang manatiling nakapako. Ang magpakita ng habag ay ang maging malaya tulad ni Hesus. May mga tao pa bang kailangan nating kahabagan ngayon? Kailangan nating patawarin? Hilingin natin sa Panginoon ang isang pusong matapang na magpalaya sa kapwa, upang tayo din ay tunay na maging malaya sa puso at isipan!

 

Paki share sa kaibigan… Salamat sa internet sa photong ginamit dito.