KAPISTAHAN NG LAHAT NG MGA BANAL 2020 (IKA-31 LINGGO, A) – UNDAS
INSPIRASYON SILA!
Nag-iisip ako minsan tungkol sa mga santo, lalo na ngayong malapit na ang ika-500 anibersaryo ng ating pagiging Kristiyano sa bansang Pilipinas.
Bakit dalawa lang ang ating mga santo gayung 500 taon na tayong Katoliko? At bakit tila hindi naman sikat ang mga santong ito pati sa mga Pinoy sa ating bansa?
Ang hilig nating magdasal kay Padre Pio; nakikigulo tayo sa bagong proklamang si Blessed Carlo Acutis, mahal natin si St Mother Teresa at St John Paul II. Pero bihira nating marinig si San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod, na sariling atin, maliban kapag malapit na ang kanilang pista.
Ngayon ay bihirang okasyon na tumapat sa Linggo ang Kapistahan ng mga Santo o Undas. Dakilang araw ito sa atin kasi pinaghahalo natin ito sa Araw ng mga Kaluluwa. Habang inaalala natin ang mga santo, nagpupunta din tayo sa mga sementeryo para alalahanin ang mga yumaong mahal natin, sa tradisyong puno ng dasal, pista at tradisyon.
Dahil panahon pa ng Covid ngayon, bawal magtipon ang marami sa sementeryo kaya marami sa atin ay sa bahay lang magtitipon.
Sino ba ang mga santo? Para sa maraming Katoliko, Orthodox at ilang mga Protestante, ang mga santo ay mahahalagang tao sa larangan ng pananampalataya. Mga bayani natin sila dahil sa paraan ng kanilang pagsunod sa aral at halimbawa ng Panginoong Hesus sa kanilang sariling pagsasabuhay, pagbibigay at pagmamahal.
Subalit minsan nagkakagulo dahil sa mga santo kasi ang ibang hindi Katoliko ay galit na galit sa pagtuligsa sa kanila. Sa tingin nila, ang ating pagdarasal, paglapit, at pagmamahal sa mga santo ay naglalayo sa atin sa Panginoong Diyos.
At marami ding Katoliko na hindi nauunawaan ang mga kaugalian tungkol sa mga santo at naguguluhan kapag tinatanong na o tinutuligsa; ang iba tuloy umaalis na lang sa pananampalataya.
Sino nga ba ang mga santo? Sa Pahayag 7, ang tanong na iyan ay binanggit na. Sino ba sila? At tumugon ang Diyos: “Sila ang mga nakaligtas sa panahon ng matinding pagsubok; sila ang naghugas ng kanilang mga kasuutan at pinaputi ito sa Dugo ng Kordero.”
Sa madaling salita, alam natin kung sino ang mga santo sa mata ng Diyos. Una, sila ang mga mananampalatayang nasa langit na ngayon, isang malaking hukbo, mula sa lahat ng sulok ng daigdig. Nakapalibot sila sa trono ng Diyos, doon sila sumasamba at nagpupuri sa Diyos at sa Kordero ng Diyos, ang Panginoong Hesus. Tulad natin, sila ay mga tao din – itim, puti, kayumanggi, dilaw.
Ikalawa, sila ay mga survivors, matatatag na nakaligtas sa mga pagsubok ng mundo. Dumaan sila sa apoy ng pagsubok sa tahanan, sa trabaho, sa kalusugan at maging sa kanilang sarili. Dahil sa kanilang pananampalataya, nalampasan nila ito upang makapagbahagi sa atin ng kuwento ng pag-ibig at awa ng Diyos, ng kahinaan ng tao at kakayahang magbalik-loob, ng pag-asa sa gitna ng mga gusot ng buhay.
Inaalaa natin ang mga yumaong mahal natin kaugnay ng pista ng mga santo sa pag-asa na sila din ay magtatamo ng biyaya ng Diyos na makapiling siya sa langit, magkaroon ng pahingang walang hanggan at magdasal para sa atin kasama ng mga santo na laging nasa presensya ng Panginoon.
Subalit hindi lang dasal ang ginagawa ng mga santo (o ng mga yumao). Sa kanilang mga ala-ala at halimbawa ng pananampalataya, pag-ibig at pag-asa tayo lumilingon. Sa kanilng katapatan tayo sumusunod. Sa kanilang tiwala sa awa ng Diyos inuugnay natin ngayon ang ating buhay sa lupa.
Maraming beses na nagdarasal tayo sa mga santo. Pero alam ba nating sila naman ay cheering squad natin sa langit para malampasan natin ang buhay na ito hindi lamang sa dasal kundi sa kapangyarihan ng pananampalataya at pagsisikap? Sa gitna ng mga pagsubok, ang mga santo ang tagapagpaalala sa atin na mahal na mahal tayo ng Diyos.
Please share with a friend…