Home » Blog » IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

TAYONG LAHAT SAMA-SAMA SA KANYANG YAKAP

(image from the internet)

 

May sakit na kumakalat sa mundo ngayon, malala pa sa corona virus.

 

Sakit na umaatake hindi sa katawan, kundi sa isip, pananaw at puso.

 

Higit pa ito sa pagiging mapili sa tao, o pagkiling sa iba, o pag-pwera sa mga taong di natin kapantay, kauri o kadugo.

 

Ang tawag sa sakit na ito ay “pagtataboy” ng tao.

 

Yung mamili, o kumiling, o mag-pwera sa tao ay masama; pero doon, nakikita pa natin ang kapwa natin bilang kakaiba sa atin at dahil doon, panganib o banta sa atin.

 

Pero ang pagtataboy ay masahol pa dito; hindi na talaga natin kinikilala ang tao. Hindi na itinuturing na nabubuhay; basta naglalaho na lang silang parang bula at tila basurang itinatapon.

 

Sa unang pagbasa (Is 56) tinatalakay ang katayuan ng mga mabubuting Hudyo. Mahal nila ang Panginoon, sumusunod sa mg autos, at umiiwas sa kasalanan.

 

Subalit paalala ng Panginoon, may mga tao sa labas ng grupo nila na mga “dayuhan” subalit “mahal nila ang Diyos at naglilingkod sa Diyos” din.

 

Maaaring di sila bahagi ng pamayanan, pero dapat silang tanggapin, igalang, salubungin dahil ang bahay ng Diyos ay “tahanan ng panalangin para sa lahat ng tao.”

 

Ang puso ng Diyos ay hindi nagtataboy. Ang puso niya ay nagtitipon sa lahat ng kanyang mga anak, anuman ang kaibahan, kapintasan, o kasalanan.

 

Sumisinag ang awa ng Diyos sa lahat ayon kay San Pablo (Rom 11).

 

Itinuro ng Panginoong Hesus sa Mabuting Balita na minsan, ang mga taong itinataboy natin ay mas matibay pa ang pananampalataya kaysa atin (Mt 15) kaya wala tayong karapatang husgahan o balewalain at itaboy sila.

 

Di ba totoo na paglabas ng bahay, maraming tao ang di natin “nakikita” kasi nasa labas sila ng ating grupo o malayo sila sa pinagtutuunan ng ating pansin?

 

Yung janitor sa office, ano ang alam mo bukod sa siya si “ate” o si “kuya”? Yung security guard, nakabatian mo na ba? Yung tindera, nakangitian o palitang kuro-kuro mo ba?

 

At sa loob ng bahay, pinapansin mo pa ba o kinakausap ang kasama o kapamilya mong nakakainis na? nakasakit ng damdamin mo? Nagbigay ng kahihiyan sa pamilya nyo? Nagdala ng dalamhati dahil sa kanyang gawa o salita?

 

May puso ka bang nagtitipon ng mga tao, dahil alam mong ikaw mismo ay tumanggap din ng awa ng Diyos kahit makasalanan ka?

 

O baka mas gusto mong may distansya sa kapwa, umiwas sa kanila, o itaboy sila sa iyong buhay dahil wala silang kwenta sa iyo?

 

Ipanalangin nating dahil tumanggap tayo ng awa, matuto rin tayong tumanggap sa kapwa bilang pagsunod sa kalooban ng Ama at pagtulad sa halimbawa ng Panginoong Hesukristo.

 

 paki-share sa isang kaibigan…