IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
PAGPILI NG PINAKAMAINAM SA LAHAT
Nitong nakaraang lockdown, nabantad ang bagong mukha ng mga kabataan ngayon
…walang paki, hanap ay saya, tiktokers, baliw sa Netflix, adik sa social media
…galit sa gawaing eskwela, handang mam-bash, ok maging haters
Pag minasdan mo sila, tila walang pag-asa sa bukas. Ito ba ang mga taong tatalakay sa susunod na pandemya… taglay ang kabobohan? Taglay ang pagsasawalang bahala?
Pero habang tumatagal ang krisis, marami ding nagsimulang mag-isip…
… sa kinabukasan… sa kapakanan ng pamilya… sa sitwasyon ng bansa…
Ang ilan sa kanila natutong kumita sa online business… tumulong sa magulang… maghanda sa darating na pasukan…
Simula na kaya ng pagbabago… at pag-asa ito para sa lipunan?
Sa unang pagbasa nakita natin ang batang haring si Solomon (1 Hari 3) na, nang magpakita ang Diyos sa panaginip upang tanungin ang kanyang ninanais, ay sumagot nang kahanga-hanga.
Hindi mahabang buhay, kayamanan, tagumpay o kapangyarihan. Kundi karunungan upang maglingkod sa bayan.
Sobrang tuwa ng Diyos na binigyan niya si Solomon ng pusong marunong at maunawain… na walang sinumang kapantay.
Sa buhay, hinahayaan tayo ng Diyos na pumili… minsan madali at minsan mahirap.
Kapag pagpipilian ay isang mabuti at masama… tama o mali – e madali yan!
Piliin ang mabuti, sundin ang tama. Ang kabila ay panganib at kasalanan.
Pero paano kung ang pagpipilian ay tila pareho namang mabuti?
Magpahinga muna o magtrabaho na…. mag-aral na o mag-relax konti… kumilos na ngayon o hintayin ang tamang panahon… magbahagi sa kapwa o mag-ipon muna sa sarili…
Sa pagitan ng tila parehong mabuti, inaanyayahan tayo ng Panginoon na tukuyin kung ano ba para sa atin ang “kayamanang nakabaong sa bukid” o ang “perlas na mahalaga”?
Ano ba ang tunay na magbibigay ng kahulugan, layunin at kaganapan sa atin…
Ano ba ang magbibigay sa puso ng tunay na kapayapaan, kaligayahan at kapahingahan?
Sa pagpili, hindi tayo laging tulad ni Solomon; madalas tayong magkamali kasi limitado ang ating kaalaman.
Siguro kung matututo tayong mag-isip nang malalim, magnilay nang seryoso, at magdasal nang tapat, magkakaroon tayo ng liwanag na kailangan upang piliin ang pinakamainam sa atin.
Hilingin natin sa Espiritu Santo na sa pagpili, gabayan niya tayo kung ano ang higit na magbibigay sa kanya ng lugod at luwalhati, at makakapagdulot sa atin ng kaligtasan.
Paki share sa kaibigan.