IKA-14 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
ANG KAPANGYARIHAN NG PAGKA-BANAYAD
Ano ba ang nangyari sa ating mundo?
Kung gusto nating manalo sa argumento, nagtataas tayo ng boses, kahit mali tayo.
Kung nais nating manaig, naninira tayo at nanghihiya ng iba sa social media.
Kung gusto nating mabilis na makuha ang isang bagay, nagbabanta tayo o namba blackmail.
Kung gusto nating lupigin ang kaaway, gumagamit tayo ng pananakit o pumapatay.
Ipinipilit natin ang ating karapatan sa pagiging marahas, malupit at walang pitagan.
Kaya sa mundo ngayon, ang mga ugnayan ay marupok, panandalian, at watak-watak.
Ipinapakita ng Diyos sa atin ang isang kakaibang paraan ng pakikipag-kapwa.
Ipinapahayag ni Propeta Zacarias (ch 9) ang pagdating ng Prinsipe ng Kapayapaan – isang hari at tagapagligtas – na dumarating sa gitna ng kaamuan at kabutihan.
Sinasakop niya ang lupain na hindi mataas ang boses at hindi mabigat ang kamay. Ang sandata niya ay tanging kapayapaan.
Sa Mabuting Balita (Mt 11), nag-aanyaya ang Panginoong Hesus na masdan natin siya. Ang puso niya ay maamo at mababang-loob.
Ang naghahanap ng pahinga mula sa gulo ng buhay ay makakasumpong doon ng lugod at ligaya.
Nag-aalok ang Panginoon ng lunas sa marahas, mayabang at galit na mundo ngayon. Kailangan daw nating matagpuang muli ang landas ng pagka-banayad, mahinahon at maamo sa kapwa.
Bakit kasi kailangang sumigaw muna kung puwede naman mag-usap nang maayos?
Bakit kasi kailangang manghiya pa kung puwede naman daanin sa diplomasya?
Di ba’t mas epektibo ang pagkakaibigan kaysa mga pagbabanta at pag-aaway?
Hahayaan mo bang maging kasangkapan ng paninira kung kaya mo namang maging tagabuo at inspirasyon?
Gusto mo bang makidagdag sa wasak na mundo gayung pwede namang maging instrument ng pagkakaisa at kapayapaan?
Sa tingin ng mga tao, ang pagka-mahinahon at maamo ay kahinaan subalit para sa Diyos ito ay tunay na kapangyarihan.
Ang kaamuan ni Hesus sa krus ay mas higit sa dahas ng mga pumatay sa kanya.
Ang pagka-banayad ng isang martir ay mas nakalulugod kaysa pananakit ng kaaway.
Ang haplos ng ina ay mas mabilis magpagaling sa anak na nagdurusa.
Ang kabaitan ng kaibigan ay walang kapantay na ligaya at kapayapaan.
Sabi ni San Francisco de Sales: Walang mas lalakas pa kaysa pagiging mahinahon, walang mas mahinahon sa tunay na lakas.
Mahinahon, banayad at maamo ka ba tulad ni Hesus sa iyong mga salita, isip at gawa?