IKA-29 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
PAG-SABOTAHE SA BIBLIYA
Paano ka gumamit ng Bible?
…para patunayan na ang ibang grupo o relihyon ay nasa maling landas?
…para suportahan ang mga paniniwala mo
…para ipamukha sa iba na liko ang pamumuhay nila?
…para ipagmayabang na banal ka at mas naliwanagan kesa mga kaibigan mo?
…o para walang problema, huwag na lang magbasa ng Bibliya (style nating mga Katoliko!)
Mahal natin ang Bible syempre… pero maraming nagsasabotahe ng paggamit nito sa buhay.
Ang ganda ng ikalawang pagbasa ngayon tungkol sa kahalagahan ng Nasusulat na Salita ng Diyos.
…isinulat sa Inspirasyon ng Diyos, maaaring gamitin sa pagtuturo, pagtutuwid, pagtatama, at sa pagsasanay sa buhay na banal
…dapat ipahayag ang Salita ng Diyos sa lahat ng panahon at maging masigasig sa paggawa nito.
May nakita ka bang sinabi ni San Pablo kay TImoteo na gamitin ang Salita ng Diyos para magsiraan at mag-debate ang mga Kristiyano? Meron ba? Sige, hanap ka pa diyan!
Sinabi ba ni San Pablo na gamitin ito para ikondena ang mga taong kakaiba sa iyo tulad ng mga hiwalay sa asawa, may bagong asawa, lgbt++++, at mga hindi naniniwala sa relihyon?
Sinabi ba ng santo na i-memorize yan! At gamitin mo para hangaan ka ng mga nakikinig sa iyo?
Tila walang ganun ano?
Sa halip, ang bilin kay TImoteo (at sa atin) ay maging tapat sa natutunan at pinaniwalaan.
Maging tapat sa natutunan. Kaya dapat pala tayong magbasa, mag-aral, at magsapuso ng Salita ng DIyos na dumating sa atin sa tulong ng simbahan.
Maniwala sa Nasusulat na Salita ng Diyos na makapagdadala sa atin sa “Buhay na Salita ng Diyos” na ang ating Panginoong Hesukristo; huwag huminto sa libro, kundi makipagkilala sa May-Akda nito!
Sa isang interview, sinabi ng isang pari na tayo ay hindi “people of the book” tulad ng mga Muslim at Hudyo. Tama siya kasi ang basehan ng ating pananampalataya ay hindi libro kundi ang Buhay na Diyos.
Sabi ng isang theologian, hindi din tayo “people of the book” kundi “People of the Living Word”. Tumpak na naman kasi ang sentro ng ating buhay ay hindi libro kundi ang Nabuhay at Nabubuhay na si Hesus!
Ang Bible ay Nasusulat na Salita ng Diyos at dapat ito magdala sa atin sa tunay na pagbabalik loob sa Diyos, hindi sa kayabangan at pagpapaimbabaw.
Dapat itong mag-inspire sa atin na magbago ng buhay at mag-akay sa kapwa tungo sa Panginoon.
Ang mga salitang ito ang dapat maging gabay sa bawat araw habang naghahasik tayo ng pag-asa sa ating paligid, sa ating pagiging mabuti at mapagpakumbaba.
Ang Bible ay Aklat ng simbahan, at dapat mahal ng bawat Katoliko at basahin nila ang aklat na ito.
Pero ang hirap naman niyan! Boring yan! Ang kapal niyan! – nadinig ko ang protesta ninyo!
Unti unti lang naman kasi… simulan mo basahin ang Gospel na pang-Linggo para maging gabay ng buong linggo mo (5 minutes siguro yan)
Simulan mo basahin ang Gospel na pang-araw araw (mga 2 minutes)
Magbasa ka ng komentaryo o paliwanag tungkol dito (ilang minute lang din)
Makipag-usap sa pari o lider kung saan ka naguguluhan sa binasa mo (depende na yan sa iyo!)
O ano mahaba diyan? O mahirap o boring? Wala di ba? (mas mahaba ang oras pag text, Fb at chat – pero carry mo di ba?)
Dalhin ang Bible sa iyong puso, tulad ng mga unang Kristiyano (wala pa kasign libro noon e), kaysa idisplay mo lang para hangaan ka. Oo, ang iyong pananalita at pagkilos ang unang Bible na binabasa ng mga tao mula sa iyong buhay!
PAKI-SHARE SA ISANG KAIBIGAN!
–>