Si San Francisco at ang pipi at bingi na si Martin
Pebrero 25, 1605 nang mangaral si San Francisco de Sales sa La Roche. Ginamit niya ang kanyang libreng panahon upang dalawin ang mga maysakit sa bayan tuwing Martes at Biyernes, laging may dalang lugod at pag-asa habang tinuturuan ang mga maysakit na gamitin ang kanilang karamdaman bilang daan ng kabanalan.
Nakilala niya dito si Martin, isang bingi at pipi na may magandang pag-uugali, mala-anghel na mukha at malalim na paggalang sa banal na obispo. Bagamat may kapansanan, hindi nito pinalampas na dumalo sa mga pangangaral ni San Francisco. Walang pumapansin kay Martin subalit hindi lingid sa kaalaman ng obispo ang kanyang presensya.
Minsan inakay ni San Francisco ang pipi sa harapan ng lahat at binanggit niya ang kanyang paghanga sa pagmamahal at debosyon nito sa Panginoon.
Pagkatapos, buong tiyaga at tiwala sa Diyos niyang tinuruan si Martin sa pamamagitan ng mga senyas ng kamay kung paano lumago sa panalangin na nagmumula sa puso.
Ang santo mismo ang naging tagapagpakumpisal sa pipi at inanyayahan niya itong maging bahagi ng kanyang sambahayan.
Bago namatay si San Francisco, itinagubilin niya sa kanyang kapatid at kahalili, ang obispong si Juan Francisco de Sales, na patuloy alagaan si Martin.
Dahil dito si San Francisco de Sales, bukod sa pagiging patron ng mga journalist, ay kinilala bilang patron ng mga pipi at bingi at ng mga taong nagtuturo sa kanila ng senyas o sign language.