IKATLONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
MAHAL MO BA ANG SALITA?
Sa tuwing may pagdiriwang Katoliko tulad ng prusisyon o iba pang tradisyon, ang daming bashers na nagsusulputan sa social media. Wala sa Bible ang Nazareno, sabi nila. Gawa lang ng tao ang Santo Niño, sigaw ng ilan pa. Ang hindi nila maintindihan, o ayaw intindihin, ay basta tatawagin na lang nilang labag daw sa Salita ng Diyos.
Sanay na tayong mga Katoliko sa ganitong pagtuligsa at diskriminasyon ng mga tao, ang iba sa kanila kalapit at kaibigan pa natin sa personal na buhay. Alam nating ang komento nila ay mula sa kamangmangan. Ang bintang nila ay resulta ng maling impormasyon. Sino ba ang higit na matapat sa Salita ng Diyos kundi ang simbahang nagbuo, nag-ingat at nagpapahayag nito mula pa noon hanggang ngayon, dalawang libong taon na?
Pero sa totoo lang, habang ang mga Protestante, born-again, at iba pang mga sekta ang nagpaparatang na labag tayo sa Bibliya, ang simbahan natin ay hindi nga kilala bilang maka-bibliya. Nakakahiya man isipin pero dapat tanggapin. Sa atin umusbong ang Bibliya pero hindi natin ito ngayon pinahahalagahan at ginagamit para hubugin ang ating pananampalataya at gabayan ang ating buhay?
Sige nga, tapatan na ito. Ilan sa inyo ang nagbabasa lagi ng Bibliya? Ilan ang handang dumalo sa mga bible study o faith sharing? Ilan ang may interes kapag may fellowship, o makinig ng programa sa radyo o manood sa tv kapag ang paksa ay pananampalataya o bibliya, o magbasa ng mga materyal na ukol sa paliwanag sa bibliya? Aminin!!! Di ba ang konti sa atin ang ganun?
Nakakatamad e! Ang dami pang ibang gagawin e! Alam ko na iyan, saka na lang ako!
Allergic tayo pag bible ang pinag-usapan! Pero eto ha? Ang mga ibang grupo at komunidad, umiikot ang buhay nila sa pag-aaral ng Bibliya nila.
Minsan nasabi ni Pope Benedict na sinumang gagawa ng lectio divina (pagbasa at pagninilay sa Mabuting Balita) kahit 10 minuto lamang araw-araw ay magiging banal na tao. Hindi niya sinabing lamunin ang bibliya, o isaulo lahat ng kapitulo at bersikulo, o basahin simula hanggang huli. Sabi lang niya 10 minuto! E di ba ang hirap nun? Ang haba ng 10 minutes para sa Bible.
Ilang minuto nga ba tayo sa pagte-text, sa youtube, sa tv, sa Fb, twitter at Instagram? Kahit 2 oras wala tayong reklamo. Pero bakit mahirap kapag magbabasa ng Bible at magninilay sa kahulugan nito sa loob ng 10 minuto bawat araw?
Linggo ng Bibliya ngayon at dama natin sa mga pagbasa ang pagmamahal ng mga Israelita sa Salita ng Diyos. Sa mabuting balita, kita naman natin kung gaano kamahal ng Panginoong Hesukristo ang Kasulatan na kanyang binasa at inilapat sa kanyang puso. Sa panahong ang daming hindi naniniwala sa Diyos o sa pananampalataya at may ume-epal pang nasa kapangyarihan na inaalimura ang ating mga doktrina at paniniwala, paano ba natin ipagtatanggol ang pananampalatayng hindi naman natin alam kung ano ang turo? Huwag nang magtaka na sa kabila ng mga pagtuligsa sa ating simbahan, ang marami sa atin ay walang reaksyon at bingi at pipi na lamang.
–>