Home » Blog » IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

SA KATAPUSAN O SA WALANG HANGGAN?

Isang trahedya ang nagiging uso ngayon. Matapos pagtaksilan ng nobya, nagbigti ang isang kabataang lalaki sa beranda ng bahay. Dala ng panlulumo, tumalon sa isang gusali ng paaralan ang isang mag-aaral na high school pa lamang. Ang sikat na chef na si Anthony Bourdain na tumalakay ng sarap ng pagkain ng buong mundo ang tumikim ng pait ng pagpapatiwakal sa loob ng isang kuwarto sa hotel.

Nagtuturo sa atin ang Panginoon ngayon tungkol sa buhay na walang hanggan na mula sa pagtanggap ng Tinapay ng buhay, ang kanyang Katawan, ang kanyang Sakramento sa simbahan at sa mundo. Pero sino ang nag-iisip ng buhay na iyan? Itinatakwil na ng ilan ang sariling buhay. Takot gumising ang iba dahil mas mainit sa sikat ng araw ang nakapapasong hinagpis ng buhay. May epekto ba ang mga salita ni Hesus kung gayong ang buhay ay isang pasanin sa halip na ginhawa, isang sumpa sa halip na pagpapala?

Alam ng Panginoon na nasa pinakapuso ng bawat nilalang ay ang kagustuhang mabuhay. Matapos isilang hindi lamang tayo nagsisikap makaligtas o makalampas sa araw-araw. Nais natin ay buhay… buhay na walang hanggan! Paano nga ba ito matatamo?

May naniniwalang ang mahabang buhay ang magbibigay ng mas maraming panahon para habulin ang mga pangarap, makilahok sa mga pangyayari, at maglakbay at tumuklas ng iba’t-ibang lupalop. May umaasa ding ang matagumpay na buhay ang tutulong upang mag-iwan ng bakas at impluwensya sa mundo upang hangaan, makilala at purihin kahit matapos man ang lahat.

Subalit ang mahabang buhay ay hindi katumbas ng buhay na walang hanggan. Ang matagumpay na buhay ay hindi rin hudyat ng buhay na walang wakas. Ang makilala si Hesus, tanggapin siya at manatili sa kanya ang susi sa buhay na walang hanggan – buhay na may kahulugan at layunin, panloob na kapayapaan at galak, at makabuluhang mga ugnayan. Habang may nagsasabing ang buhay na walang hanggan ay magsisimula pa lang matapos mamatay, may naniniwala namang ang buhay na walang hanggan ay isang panlilinlang at kalokohan. Sa pananampalatayang Kristiyano ang buhay ay isang pagpapatuloy mula sa kinaroroonan natin ngayon at mananatili sa kabilan ibayo sa gitna ng pagkawasak ng materyal nating daigdig.

Ang nagbubukas ng puso sa Panginoon ay dumaranas ng buhay na tadtad ng sigalot, pait at paghihirap na siyang hamon para lumago sa kalayaan at yumabong sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Ang tumatanggi naman sa Panginoon ay humaharap sa mga lubak ng buhay sa pamamagitan ng galit, poot, at panimdim. Ang buhay ay sadyang markado ng pagdurusa subalit ang Kristiyano ay nagbibilang ng mga araw papalayo sa pait ng buhay. Kalakbay niya si Hesus tungo sa walang wakas na buhay na nagsisimula ngayon (kahit maraming hamon) at nagkakaroon ng kaganapan sa isang kinabukasang ipinapangako ng Panginoon (na yayakapin naman sap ag-asa).

Ipanalangin natin ang mga taong walang masumpungang kahulugan sa buhay, kahit pa sa buhay na walang hanggan. Para naman sa atin, buksan nawa natin ang ating mga puso kay Kristo na siyang buhay, pag-asa at gantimpala at ibahagi natin siya sa kapwa-tao.

–>