DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTECOSTES B
KAPAYAPAAN, PAGPAPATAWAD
Ang taluktok ng Pagkabuhay ay ang kapistahang ito ng Pagdating ng Espritu Santo. Ipinangako ni Hesus, ang Espiritu ay isinugo ng Ama sa pamamagitan ng Anak sa mga alagad at sa sambayanan. Kung sa aklat ng Gawa, naroon ang publikong pagpapahayag, sa aklat ni Juan, naroon ang pribadong paggagawad ng Espritu sa mismong araw ng Pagkabuhay.
Nagpakita ang Panginoong Hesus sa mga natatakot na alagad. Ang una niyang ginawa ay pagkakaloob ng kapayapaan. Bakit kapayapaan? Naramdaman kasi ng Panginoon ang sindak sa puso ng mga ito. At bakit hindi sila matatakot? Sila na ang kasunod na target ng mga kalaban ni Hesus. Ang handog na kapayapaan ay tila bukal na umaagos sa pagmamahal at kapanatagan. Hindi na sila mamumuhay sa pagtatago, hiya o hilakbot man. Payapang lulunsad sila sa bagong misyon sa buhay.
Pagkatapos isinunod ni Hesus ang kanyang tunay na kaloob, ang pinakadakilang regalo: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo!” Sa kanyang buhay, nagsalita at gumawa si Hesus na may kapangyarihan, paninindigan at lakas, dala ng Espiritung lagi sa kanyang puso. Ngayon ang Espiritung ito ay pumasok naman sa puso ng mga alagad. At mas madali nang maunawaan ang kasunod na mga salita: “ang inyong patawarin ay patatawarin; ang hindi ninyo patawari ay hindi rin patatawarin.”
Ano ang kaugnayan ng Espiritu at ng pagpapatawad? Sa pagbibigay ng kapayapaan, pinawi ni Hesus ang takot sa puso ng mga alagad. Sa pagbibigay naman ng kapatawaran, ipinanatag ni Hesus ang gulo ng kanilang budhi. Pinatay nga si Hesus ng mga kaaway niya, subalit ang pagtatwa, pagtalikod at pag-iwan ng mga alagad ay kasing sakit o mas masakit pa dito. Habang magkakasama ang mga alagad “dahil sa takot sa mga Hudyo,” sa totoo lang, takot din sila sa Panginoong kanilang tinakbuhan, at takot sa kanilang mga sarili na alam nilang puno ng kahinaan at karuwagan.
Sa paggagawad ng Espiritu, pinatawad ni Hesus ang mga alagad. Sa pagtawag sa kanila bilang mga kasangkapan ng kapatawaran, ginawa ni Hesus na kumpleto ang proseso ng kanilang paghilom, pagpapanumbalik, at paglikha bilang mga alagad na may bagong pagkatao at bagong misyon sa mundo.
Anu-ano ba ang kinatatakutan mo ngayon? May pagkakamali, kahinaan o kasalanan ka bang umuukilkil sa iyong isip at puso? May pumipigil ba sa iyo na magmahal at magmalasakit sa kapwa? Taglay ang pananampalataya, buksan natin ang puso sa kaloob na Espiritu Santo. Tanggapin natin ang kanyang lakas ng loob. Tanggapin natin ang kanyang galak. Mamuhay tayong muli nang payapa at naghilom na! Halina Espiritu ng kapayapaan at kapatawaran, sa aming buhay!