Home » Blog » UNANG LINGGO NG KUWARESMA B

UNANG LINGGO NG KUWARESMA B

–>

SAKAY NA!

Halos lahat ng bansa ay nagbabantay para sa “matinding baha.” Dahil sa pagbabago ng pattern ng panahon, ang mga lugar na dating hindi inaabot ng tubig ay nalulubog ngayon. Kung saan ambon ambon lamang ang ulan, ngayon ay buhawi at unos na. Pati ang mga sanay na sa baha ay nagugulat sa mas matitinding pag-apaw ng mga ilog. Kayraming nasisirang ari-arian, kabuhayan, at buhay ng tao taun-taon dahil sa mga baha.

Ang Kuwaresma ay panahon ng katubusan. Sa unang pagbasa, naroon ang sagisag ng plano ng Diyos na kaligtasan sa arko ni Noa. Ang dating tila kuwentong pambata mula sa Bibliya ay isa palang makapangyarihang mensahe ng tawag ng Diyos, tugon ng tao, at pangako ng pagbabago at pagpapanariwa. Bagamat hindi kuwentong pang-siyensya, ang salaysay ni Noa ay paalala ng darating na mensahe at kilos ng Panginoong Hesukristo, ang tunay na Tagapagligtas.

Ang daigdig sa panahon ni Noa ay mabilis na nawawasak. Dahil sa kasamaan at kasalanan, hindi na maaninag ng Diyos ang kabutihang ipinagkaloob niya sa sangnilikha. Ang baha ay hindi parusa o galit ng Diyos kundi simbolo ng pagdadalisay at paglilinis. Ang magarang arko ay tanda ng kabutihan ng Diyos na naghahangad sa kabutihan ng lahat ng tao at nilikha para sa kinabukasan. Ang huling salita sa buhay natin ay hindi pagkawasak, kundi bagong buhay, bagong pangako, bagong tipan, bagong kaugnayan sa Diyos.

Nararamdaman natin ang matindi at pet-malu na bitag ng kasamaan at kasalanan sa mundo ngayon. Ang kawalang-malay ng tao ay laging nahaharap, at nahuhulog, sa gitna ng mga tukso. Nakikita nating ang ating buhay, gayundin ang sa kapwa, ay nawawasak dahil sa mga kasalanan at pagkakamali.  Subalit taun-taon, nagpapadala ang Panginoon ng arko ng kaligtasan, hindi ang alamat ng arko ni Noa, kundi ang nagliligtas na arko ng Kuwaresma.

Sa pagpasok natin sa arko ng Kuwaresma na may pananampalataya, alam nating hindi tayo aabutin ng baha, hindi tayo masisira ng kapangyarihan ng kasalanan. Sa loob ng arko ng Kuwaresma, matuto nawa tayong magdasal at magsakripisyo, lumaban sa mga tukso at magtiwala sa pangako ng Diyos tungo sa pagpapanibago at paglikhang muli ng ating buhay. Tulad ni Noa, sakay na sa arko at mag-anyaya pa tayo ng iba. Puno ng pag-ibig ng Diyos, gabayan nawa ng Panginoon ang ating paglalayag sa Kuwaresma ngayong taon.