Home » Blog » KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO, A

KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO, A

–>

BAKIT WALANG NAKAPANSIN

 “Sinumang magpapakababa tulad ng batang ito, siya ang magiging pinakadakila sa langit.” Mt. 18:4

Katatapos lang ng Pasko. Nagsaya tayo sa pagdating ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus na ating Panginoon. Lumitaw ang anghel at nagpahayag. Naranasan ni Zacarias ang isang himala. Naramdaman ni Elizabet na nagsayaw sa tuwa ang sanggol sa kanyang tiyan.

Sumikat ang tala sa Silangan at dinala nito ang mga pantas upang mag-alay ng handog at sumamba sa Hari ng mga hari. Kahit sa sabsaban, ang Tagapagligtas ay dinalaw at sinamba ng mga pastol dahil sa utos ng hukbo ng mga anghel.

Pero baki tila walang nakaalala nito noong lumalaki na si Hesus, na tila ba simple at ordinaryong tao lamang? Kilala bilang karpintero, mangangaral mula sa simpleng Nasaret. Hindi siya pari, abogado, escriba sa templo. Yung lang siya, manggagawa na ulila ng isang karpintero at ng biyuda nito na simple subalit kagalang-galang na ginang.

Kung ipinanganak siya sa gitna ng mga himala, bakit walang nakaalala o nakapansin? Kay Mateo at Lukas, nalutas ang palaisipang ito dahil malinaw nilang itinuro na lahat ng nakaranas ng mga bagay na ito ay wala na, bumalik na sa kanilang pinanggalingan, o namayapa na. Bumalik ang mga anghel sa langit, ang mga pastol sa parang, ang mga pantas sa kanilang bayan. Tila maagang namayapa si Jose, at gayundin ang mga matatanda nang sina Zacarias, Elisabet, Simeon at Ana. Si Maria lamang ang tanging naiwan na makakakita ng mga pangyayari sa buhay ni Hesus hanggang krus at pagkabuhay.

Pagkasilang ni Hesus, sa madaling sabi, lahat ay bumalik sa normal, sa dating gawi. Kasi hindi istilo ng Diyos ang magpalabas o  magpa-bongga lamang. Ang landas ng Panginoon ay kababaang-loob, kapayakan at pagdaralita. Ang tanging binaon ni Hesus mula sa lahat ng ito ay ang kanyang ugali na pagiging tila bata lagi sa harap ng kanyang Ama at ng kanyang mga kababayan.

Hilingin nating maging mababang loob din, hindi kumakapit sa maluwalhating bagay o naghahangad ng napapawing yaman ng mundo. Tulad ng Panginoon natin, ipako natin ang puso sa kadakilaan ng Kaharian ng Ama sa langit. Mabuhay ang Santo Nino!