DAKILANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS
–>
ANG NALALAMAN NI MARIA
Dalawang ebanghelyo laman ang naglahad ng mga salaysay mula sa pagkabata ng Panginoon. Sa mga ito, kabilang din ang kuwento ni Maria, ang birheng Ina ng Anak ng Diyos. Natapos ang kuwento ni Maria sa ebanghelyo ni Mateo matapos isilang ang Mesiyas, pero nagpatuloy ang kuwento ni Maria sa ebanghelyo ni Lukas sakdal sa darating pang mga pangyayari hanggang sa pagkatapos ng Pagkabuhay.
Para kay Lukas, si Maria lamang ang taong mananatiling saksi mula sa pagsilang, pagkabata, pangangaral, kamatayan at Pagkabuhay ni Hesus. At ang kahalagahan niya ay nasa mga salitang: “itinago niya ang mga bagay na ito sa kanyang puso at pinagnilayan,” tulad ng nasasaad sa pagbasa ngayon Luk 2: 16-21.
Ano ang itinago ni Maria sa kanyang puso? Ano ba ang pinagnilayan niya? Ano ang natuklasan niya? O mas mahalaga, ano ang hindi niya maunawaan? Ano ang nahirapan siyang tantuin tungkol kay Hesus at sa misyon nito?
Natutunan ni Maria, na may halong paghihirap at sakit, na ang puso ng kanyang Anak ay nakapako lamang sa puso ng Ama nito sa langit. Ang debosyon ni Hesus sa Ama ang maglalayo sa kanya sa pamilyang makalupa tungo sa pagtatatag ng pamilya ng pananampalataya. Magdadala ito sa kanyang kamatayan at Pagkabuhay. Magiging mitsa ito ng panibagong pamayanan ng magkakapatid na ang tanging ugnayan ay pananampalataya, pag-asa at pag-ibig.
Natutunan ni Maria na hindi pisikal, hindi natural, ang ugnayan na mahalaga para kay Hesus. Sa halip, mas mahalaga ang pananalig at pagtalima sa Diyos para makaugnay ni Kristo. Hindi inangkin ni Maria si Hesus bilang siyang pisikal na ina nito sa lupa. Sa kanyang pagninilay, higit na itinuring ni Maria ang sarili bilang lingkod at tagasunod ng Mesiyas na isinilang.
Habang nagdarasal tayo ng biyaya para sa ating mga pamilya at mga kaibigan, tandaan din nating magdasal para sa biyaya na natuklasan ni Maria sa kanyang pagninilay. Tulad niya, tayo rin nawa ay lumago sa pananampalataya, mag-umapaw sa pag-asa, at yumabong sa pag-ibig sa lahat ng araw ng bagong taong ito! Mabiyayang Bagong Taon po sa lahat!