Home » Blog » IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

–>

SUNDAN ANG DIYOS KUNG NASAAN KA NGAYON

Madalas, akala natin pag tinawag tayo ng Diyos laging ma-drama at puno ng adventure. Para bang iyong mga apostoles na kailangang iwan ang lahat. Hindi nila alam kung saan hahantong (Lk 9:58 ), kailangang talikuran ang mga minamahal (v.60 ), at hindi alam kung makababalik pa sa tahanan (v.62).

Nangyayari pa rin ito para sa iba. May mga taong tinatawag ng Diyos para sa special na misyon ng pag-ibig at paglilngkod sa buong mundo. Kailangan dito ang malaking kabutihang-loob. Kailangan din dito ang malaking biyaya ng Diyos dahil imposible ito kung tao lang ang batayan.

Pero sana huwag nating malimutan na ang pagsunod sa tawag ng Diyos ay hindi lamang tungkol sa misyon o buong buhay na pagtatalaga sa paglilingkod. Higit sa lahat, inaanyayahan tayo ni Hesus na sundan ang kalooban ng Diyos sa ating mga buhay. Madalas hindi ito puno ng drama, aksyon at pakiramdam na “high.” Simple lang ito kadalasan, dahil ang tawag ng Diyos ay sumunod sa kanyang kalooban kung saan tayo naroon na, at kung sino tayo ngayon.

Sa trabaho, tinatawag tayong lalong pahalagahan ang kontribusyon natin sa kumpanya. Sa ating pamilya, tinatawag tayo lalong maging mabuting ama, ina, kapatid, anak, na seryoso sa pagbabahagi ng pag-ibig, pasensya, patawad, at sakripisyo. Sa pamayanan, ang tawag ng Diyos ay magbahagi ng ngiti sa kapwa at kamay na handang dumamay. Baka minsan kalooban ng Diyos na alalahanin ang iba sa simpleng text o simpleng message man lang sa FB. Hindi mahirap yun, di ba?

Kahit simple, ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay maaari ding maging mas dakila at kaaya-aya sa Diyos kaysa pangangaral ng ebanghelyo sa ibang bansa. Ang isang maysakit ay sumusunod sa kalooban ng Diyos sa kanyang pagtanggap sa karamdaman at pag-aalay ng kanyang hirap sa iba. Ang isang namimighati ay tumutupad ng kalooban ng Diyos sa kanyang pagsisikap na ituloy ang buhay sa kabila ng mga luha.  Ang taong may pasang malaking krus ay sumusunod sa Panginoon kung sa kabila ng kaapihang dinanas niya lagi pa rin siyang mabuti at maawain sa kapwa.

Ipagdasal nating makasunod tayo sa kalooban ng Diyos para sa ating buhay, ngayon at araw-araw, sa mga simpleng gawain natin, at sa paraang akma sa ating situwasyon ng buhay ngayon.