Home » Blog » IKA-28 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B

IKA-28 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B

PALAWAKIN PA!


Nakakapagpalubag-loob ba na marinig ang Panginoon na sabihin sa Mabuting Balita (Mk 10) ngayon na mahirap pumasok sa Kaharian ng Langit? Sinabi niya ito dalawang beses, unang tinutukoy ang mga mayayaman; ikalawang tinutukoy ang lahat.
Nasabi ito ng Panginoon matapos masaksihan ang paglalakbay ng isang kabataang lumapit sa kanya na nais marating ang buhay na walang hanggan. Malinaw na naghahanap siya sa Diyos. Malinaw na nagtatanong siya, nag-iisip siya.
Bukod diyan malinaw na interesado siya sa kaharian ng Diyos. Nagliliyab sa puso niya ang buhay na kaaya-aya sa Panginoon. Ang puhunan niya ay ang pagsunod sa mga utos.
Subalit paliwanag ng Panginoon, hindi sapat ang interes. Hindi rin sapat ang pananabik. Kailangang palawakin pa ang pagpapagal. Kailangang buksan pa ang puso. Kailangang maging mas mapusok at malikhain pa sa pagsunod sa pangarap. Ipagbili mo ang lahat… ipamigay mo ang lahat, iyan ang sikreto, sabi ng Panginoon.
Isang babala (asawa ni babalu) ang bigay ni Hesus, laban sa pagiging kuntento sa “puwede na”. Sabi ng born-again Christian: basta tanggapin mo si Hesus sa puso, puwede na. Sabi ng Protestante: basta nasa Bibliya iyan, puwede na. Sabi ng Katoliko: basta sundin mo ang sabi ng simbahan, pasado na. Tila yata sinasabi ng Panginoon: hindi sapat ang relihyoso o espiritwal ka lang. Iunat mo pa ang iyong kamay sa mga nangangailangan. Buksan mo pa ang puso mo sa mga dapat mahalin.
Sa praktikal na buhay, puwede na sa estudyante ang makapasa lang sa finals. Puwede na sa asawa na mapunan ang pangangailangan ng pamilya. Puwede na rin sa may trabaho ang matapos lamang ang gawain.  Tila sinasabi ng Panginoon: mag-aral para sa buhay at hindi sa grado lamang; maging tunay na mapagmahal sa asawa at mga anak; gawing misyon ang trabaho at hindi lamang sanhi ng pera.
Ang mga banal ay mga taong naunawaan ang sinasabi ng Panginoon. idinagdag nila sa kanilang pagnanasa at sa kanilang pagpupunyagi ang buong pagtutok ng puso at kaluluwa tungo sa kaharian ng langit. Mas umusod pa sila. May pinalawak pa at binanat pa hanggang kaya nila; hindi lamang inasam ang langit kundi isinabuhay bilang isang maligayang pakikibaka sa buhay.
Panginoon, bigyan mo po ako ng biyayang marating ko ang kaharian mo…