IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA B
ANG GALIT NG DIYOS AY PANANDALIAN
Gusto natin ang isang Diyos na magiliw kaya nga may mga larawan tayo ng nakangiting Kristo, nakatawang Kristo, at masayahing Kristo. Ito ang mga larawang nakakabighani sa ating atensyon ngayon.
Sa ebanghelyo, Jn 1: 13-25, hindi itinatago sa atin na may kakaiba pang mukha si Hesus – ang galit na Hesus! Sobra ang galit niya na sumabog ito, gumawa siya ng lubid na hagupit at inilabas niya ang kanyang galit sa mga bagay na nagiging tampulan ng pansin sa templo. Nagtakbuhan at nagtako tiyak ang mga tao upang hindi mapahamak pagdaan ng Panginoon!
Ano ang nangyari at ang maamong Hesus ay humantong sa di mapigil na galit? Upang maunawaan ito, balikan natin ang unang pagbasa, Exo 20: 1-17, kung saan sinasabi na ang Diyos ay mapanibughuin, seloso, naiinggit din. Nagalit si Hesus dahil nagselos siya; nagselos siya para sa kapakanan ng Kanyang Ama.
Nagalit si Hesus dahil hindi na ang Diyos ang sentro ng templo. Naroon ang mga tao, pero bulag sila sa presensya ng Panginoon. panatag ang mga tao sa kanilang kaisipan tungkol sa Diyos pero walang nagagawang pagkakaiba ito sa kanilang buhay. Tulad ng Ama, nagselos si Hesus dahil binabalewala ng mga tao ang Diyos at pinapalitan ng mga bagay na lumilipas lamang.
Ang galit ni Hesus ay hindi naging marahas o biyolente; walang sinasabing sinaktan na tao o hayop man; pinalayas lamang niya ang mga ito sa templo. Pero kinailangan niyang ipahayag ang kanyang emosyon para yanigin at yugyugin ang mga pusong walang pakiramdam. Ipinakita niya ang kanyang emosyon upang liwanagan ang mga tao. May nakaunawa at meron ding hindi nakaintindi sa kanyang ginawa.
Kung darating kaya si Hesus ngayon, at sisilipin ang ating puso, magiging tulad din kaya ng ebanghelyo ang kanyang reaksyon? Sasabog din kaya ang kanyang galit dahil sa ating puso ay may ibang nakaupo – tao man o bagay – sa trono na para lamang sa Diyos? hayaan nating ang galit ni Hesus ay gumising sa atin ngayon at magturo sa atin na pahalagahan ang ugnayan natin sa Ama.