Home » Blog » SAINTS OF DECEMBER: SAN DAMASO

SAINTS OF DECEMBER: SAN DAMASO

DISYEMBRE 11
SAN DAMASO I, SANTO PAPA (POPE)
A. KWENTO NG BUHAY
Nagsimula ang kasaysayan ng buhay ni San Damaso sa kanyang tinubuang bayan, sa Espana, noong taong 305. Paglipas ng panahon, si San Damaso ay tinanggap sa kalipunan ng mga pari sa Roma.  At noong 366, sa gitna ng kaguluhan sa simbahan, nahalal bilang “Obispo ng Roma” si San Damaso. 
Mahalaga sa buong simbahan ang Obispo ng Roma na tinatawag sa buong daigdig bilang “ang Santo Papa”. Lahat ng obispo ay kinikilala bilang kahalili ng mga apostoles ng Panginoong Hesukristo.  Subalit ang Obispo ng Roma ay siyang pinaka-tampok sa mga obispo dahil siya ang sumusunod sa yapak ni San Pedro, ang pinuno ng mga apostoles.
Si San Pedro ay nakarating sa Roma ayon sa tradisyon ng simbahan, namuhay at nangaral doon at doon din ay nagbuwis ng buhay.  Lahat ng Obispo ng Roma, lahat ng nagiging “Santo Papa” ay may ganitong uring katangi-tangi gampanin – ang maging pinuno ng Simbahang Katolika sa buong daigdig, at tumayo sa lugar at posisyon na dati ay hawak ni San Pedro.
Ayon sa maikling kaalaman natin sa kanyang buhay, naging masigasig si Papa San Damaso sa pagtawag ng mga pulong na tinatawag na “sinodo,” upang harapin ang mga problema ng simbahan sa mga heretics at mga schismatics. 
Ang isang erehe o “heretic” ay isang Kristiyanong naliligaw ng landas nang dahil sa pagsunod sa maling aral sa pananampalataya.  Ang isang “schismatic” ay isang Kristiyanong nawalay sa pagkakaisa ng simbahan dahil humiwalay na upang sumanib sa isang bagong tatag na grupo ng mananampalataya.   Ang sinumang maging “heretic” man o “schismatic,” ay kapwa nabubuhay sa kamalian ng pananampalataya. 
Sa panahon natin ngayon ay hindi na masyadong ginagamit ang salitang ito upang tukuyin ang kapwa Kristiyanong hindi Katoliko. Bunga ito ng paglago ng paggalang ng mga Katoliko sa ibang mga Kristiyano, na bagamat nalilihis o nahihiwalay sa atin, ay dapat nating mahalin at igalang bilang mga kapatid at dapat nating ipagdasal na magbalik sa katotohanan. Ang kanilang pagbabalik-loob ay gawain ng Espiritu Santo at hindi maaaring maganap dahil sa pagpilit o paninira sa kanilang mga prinsipyo.
Nilabanan ni Papa San Damaso ang mga pagkakamali sa aral-pananampalataya na tinatawag na “Apollinarian” at “Macedonian.” Siya din ang tumawag ng pulong ng mga kinatawan ng buong simbahan sa tinatawag na “Second Ecumenical Council of Constantinople.”
Si San Damaso din ang nag-utos kay San Geronimo (St. Jerome), na kanyang secretary, upang isalin ang Bagong Tipang ng Bibliya sa wikang Latin mula sa orihinal na wika nito. Ginawa niyang Latin ang opisyal na salitang pang-samba o salitang-liturhikal. Pinamunuan ni San Damaso ang Simbahang Katoliko mula 366 hanggang sa kanyang pagpanaw noon taong 384.
B. HAMON SA BUHAY
Hindi madali ang gawain ng isang pastol ng pananampalataya dahil sa maraming panganib sa buhay ng mga Kristiyano ngayon.  Nasa kanilang kamay ang kaligtasan ng mga naliligaw ng landas na dapat nilang sikaping ibalik sa kawan ng Panginoon. Ipagdasal natin lagi ang Santo Papa sa Roma, at ang mga iba’t-ibang lingkod ng ating simbahan upang maging matatag at mapagmalasakit sa kapakanan ng lahat ng kanilang pinaglilingkuran.
Ngayong Adbiyento, sundan natin si San Damaso sa kanyang pagmamahal sa katotohanan ng mula sa ebanghelyo.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt. 7;28-29
Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.