Home » Blog » SAINTS OF DECEMBER: SAN FRANCISCO JAVIER

SAINTS OF DECEMBER: SAN FRANCISCO JAVIER

DISYEMBRE 3SAN FRANCISCO JAVIER (ST. FRANCIS XAVIER), PARI

A. KUWENTO NG BUHAY
Isa sa mga unang imahen na nakita ko ay ang isang lumang imahen ng isang paring naka-itim na sutana, may hawak na krus at naka-akmang nagbibigay ng pangaral sa mga tao.  Ito pala ay imahen ni San Francisco Javier na ipinakikilala bilang isang modelo sa paglilingkod sa Panginoon.
Si San Francisco Javier ay mula sa bansang Espanya kung saan siya isinilang nang taong 1506. Habang siya ay nag-aaral sa Paris, France, nakilala niya at hinangaan si San Ignacio ng Loyola.  Naging unang alagad siya ni San Ignacio nang itatag nito ang Kapisanan ni Hesus (Society of Jesus o Jesuits).
Naging pari si San Francisco noong 1537 at nagsimula siyang magtalaga ng buhay sa paglilingkod sa kapwa. Noong 1542, ilang isang misyonero, nagpunta si San Francisco sa kabilang sulok ng mundo, sa Asya, upang simulang ihasik ang Mabuting Balita ng ating Panginoong Hesukristo.  Mahaba at mapanganib ang paglalakbay niya. Pagdating sa India, hindi siya nakuntento na manirahan sa isang lugar lamang kundi nilibot niya ang maraming bayan at nayon kahit marami at iba’-t-iba ang hinarap niyang paghihirap.
Pagkatapos lamang ng dalawang taon, nagpunta naman siya sa Ceylon at sa Moluccas. Bumalik siya sa India pero umalis muli papuntang Japan. Halos sampung taon siyang namuhay na halos walang pahinga sa kanyang misyon.  Maraming nahikayat sa pananampalataya si San Francisco dala ng kanyang kasipagan at tiyaga. 
Maraming mga sulat si San Francisco na ipinadala kay San Ignacio kung saan nai-kuwento niya ang mga pakikibaka niya sa mga banyagang lugar. Kitang-kita ang kabayanihan at kadakilaan ng santong ito na nagpunla ng pananampalataya sa puso ng maraming tao. Marami ding mga kuwento tungkol sa mga adventures ni San Francisco na matatagpuan sa mga aklat ng mga Heswita tungkol sa kanya.
Pangarap pa sana niyang marating ang China subalit namatay siya noong 1552 sa isla ng Shangchwan. Naging sanhi ng kanyang pagpanaw ang sobrang pagod ng katawan at mataas na lagnat. Tinataya na halos 30,000 na tao ang nailapit niya sa Panginoong Hesus sa kanyang buong buhay bilang misyonero.
Sa pagtalikod ni San Francisco sa isang buhay na may pangakong katanyagan at kayamanan, mas nakita niya ang layunin ng kanyang buhay.  Ang buhay, tulad ng sabi sa Mabuting Balita, ay lalong napapasa-atin kung ito ay lalo naman nating iniaalay sa ating kapwang nangangailangan ng pag-ibig at gabay.  
Kinikilala si San Francisco bilang isa sa mga pinakamahusay at pinakamabisang taga-pangaral ng Salita ng Diyos.  Ngayon siya ay isa sa mga Patron Saint ng mga misyonero.
Isang himala ang pagiging buo pa ng kanyang katawan ilang daan taon na mula nang siya ay mamatay.  Ang kanyang katawan ay nasa Goa, India kung saan dinadayo ito ng mga deboto mula sa buong daigdig.  Ang kanyang kanang braso at kamay ay nasa Roma, sa simbahan ng Gesu, ng mga Heswita.  Ang braso at kamay na ito ay nagpapa-alala ng napakaraming mga tao na kaniyang bininyagan, kinumpisal, pinahiran ng banal na langis at binigyan ng bendisyon. 
Nang ako ay pinalad na mapadaan sa Malacca, Malaysia, ay napuntahan ko ang simbahan kung saan unang inilagak ang katawan ni San Francisco Javier. Sa patyo ng simbahan ay may malaking imahen ni San Francisco na akmang nangangaral. Nakakatuwa lamang dahil putol ang kanang braso at kamay ng imahen na ito. Sabi tuloy ng ilan, ito daw ay paalala na nasa Roma nga ang nawawalang bahagi ng kanyang katawan.
B. HAMON SA BUHAY
Bilang isang ordinaryong Kristiyano, tayong lahat ay misyonero din na inaasahang tagapagpahayag ng pag-ibig ng Diyos sa ating kapwa. Paano mo isinasabuhay ang pagiging misyonero mo sa iyong ka-pamilya, kaibigan, kaklase, ka-trabaho o kapitbahay? Mayroon ka bang pagnanasa na maging tagapagdala ng pananampalataya sa mga taong naghihintay at naghahanap nito?
Ngayong Adbiyento, ang pagmamahal ni San Francisco sa Panginoon ang maging modelo ng ating pananabik sa pagdating ng kaarawan ng ating Manunubos. Amen.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt. 10:27
Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong.