Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD, JUNE 15

DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD, JUNE 15

ANG BUHAY NATIN AY KAUGNAY NG BUHAY NG DIYOS
Ano ba ang katangian ng Kristiyanismo na nagbubukod dito sa ibang mga pananampalataya sa daigdig?  Ang mga Muslim, Hindu, Buddhists naniniwala sa Diyos.  Pero iba pa rin ang larawan ng Diyos para sa isang Kristiyano.  Nababanaag ito sa panalangin ng isang Katoliko:  Sa ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo.  Iisang Diyos subalit tatlong pangalan ang tinatawagan – Ama, Anak at Espiritu Santo.
Iisang Diyos sa tatlong Persona.  Tatlong Persona pero iisang DIyos, hindi tatlo.  Tila nakakalito at mahirap maunawaan. Kaya nga, hanggang ngayon, maraming tao ang hindi makapaniwala sa doktrinang tinatawag nating Santissima Trinidad.  Ang mga kapatid nating Muslim, hindi naniniwala.  Ang mga Mormons, may maling paliwanag.  Ang mga Iglesia, tumatanggi dito.  Minsan may nakaharap akong isang kabataan na pilit inuunawa ito ngunit hindi niya matanggap.  Nag-aaral siya ng mathematics at paano nga ba mangyayari, sabi niya na ang 3 = 1 at 1 = 3.
Paano nga kaya uunawain ang doktrina na ating ipinagdiriwang ngayon?  Lagi kong sinasabi na ibang magbilang ang Diyos.  Dahil ang kanyang mathematics ay hindi  nagaganap sa utak.  Ito ay nagaganap sa puso, sa larangan ng pag-ibig.  Halimbawa, paano nga bang mangyayari na iiwanan ng pastol ang 99 na tupa para sa isa; paanong ang 1 tupa ay magiging mas mahalaga pa sa 99 na naiwan sa bukid?  Iba talaga.
Kaya nga hindi sa larangan ng bilang mauunawaan ang doktrinang ito.  Ito ay magiging malinaw kapag natanggap natin na ang Diyos ay pag-ibig.  At ang pag-ibig ay hindi nag-iisa kundi laging naghahanap ng pag-aalayan ng pagmamahal.  Tulad ng isang pamilya:  may lalaking sumisinta at may babaeng nagmamahal din.  At ang kanilang pagmamahal ay nagbubunga ng mga supling na magpapatuloy ng pagmamahal.  Ang Diyos ay Trinidad dahil siya ay pag-ibig; siya ay pamilya ng Ama, Anak at Espiritu Santo.
Subalit ang pamilyang ito na tinatawag na Trinidad ay hindi nakakulong lamang sa kanilang sarili.  Ang pagmamahal ng Diyos ay umaapaw hanggang sa lupa, sa ating lahat.  Tayong lahat ay bahagi ng buhay ng Diyos.  Naranasan natin ang Ama, dahil tayo ay kanyang mga anak.  Nararanasan natin ang Anak, dahil siya ay ating kapatid.  Nararanasan natin ang Espiritu dahil tayo ay templo ng Espiritu. Kasali tayong lahat sa buhay ng Diyos, sa buhay ng Santissima Trinidad.
Isang mabuting halimbawa nito ay ang Mahal na Birhen.  Sa kanya ay buhay na buhay ang kahulugan ng Santissima Trinidad – Anak ng Ama, Ina ni Hesus at Esposa ng Espiritu Santo. 
Para maunawaan natin ang Trinidad, kailangan nating buksan ang ating puso sa Diyos na nagmamahal at padaluyin natin ang kanyang pagmamahal sa ating mga puso.  Kailangan nating isabuhay ang pagmamahal sa kapwa upang patuloy na kumalat ito sa lahat ng tao.  Sa gayon, ang doktrina ay hindi lamang mananatiling isang kaisipan lamang.  Kundi patuloy tayong magiging bahagi ng daloy ng pagmamahal ng Ama, Anak at Espiritu.