Home » Blog » KUWENTONG PAROKYA (PARISH CHRONICLES 3)

KUWENTONG PAROKYA (PARISH CHRONICLES 3)

ANG GUEST PRIEST (PANAUHING PARI)



Malaking bagay sa mga parokya lalo na sa mga siyudad ang pagkakaroon ng tinatawag na mga Guest Priests.  Sino ba sila?  Ang isang Guest Priest ay isang pari na nakikituloy pansamantala sa isang diocese kung saan siya ay may tanging misyon.  Maraming Guest Priests ang nasa Maynila, halimbawa, dahil ipinadala sila ng kanilang Obispo upang mag-aral o magpaka-dalubhasa sa mga university doon.  Mayroon ding ilan na nandito upang magpagamot. Ang iba ay retirado na sa kanilang orihinal na diocese at nais naman maglingkod sa ibang kapaligiran. Habang narito sila sa siyudad, nais nilang tumulong sa gawain sa mga parokya at iba pang uri ng paglilingkod. 
Kailangan ng bawat Guest Priest ang pahintulot ng kanilang sariling Obispo.  Kailangan din ng pahintulot ng diocese na kanilang magiging tirahan sa loob ng ilang panahon.  Halos lahat ng mga diocese sa Kalakhang Maynila ay mga samahan ng Guest Priest na nakikipag-ugnayan para sa kanilang kapakanan sa diocese na umampon sa kanila.  Dapat ang bawat Guest Priest ay nakatira sa isang parokya habang tumutulong dito. 
Malaking bagay ang magkaroon ng Guest Priest sa isang parokya sa siyudad dahil sa dami ng mga Misa, blessings, seminars at iba pang formation work na kailangang isagawa para sa mga tao.  Dahil kulang ang mga pari sa siyudad at gayundin, kalimitan kaunti na ang nagpapari sa mga lugar na ito, isang biyaya ang magkaroon ng Guest Priest sa isang diocese.  Ang dating Arsobispo ng Maynila, ang yumaong Jaime Cardinal Sin, ay isang Obispong labis ang pagpapahalaga at pagmamahal sa kanyang mga pari, kabilang na dito ang mga Guest Priests. Sa puso daw niya, walang Guest Priests, dahil lahat ng pari ay pantay-pantay.
Lahat ng Guest Priests ay kailangang bumalik sa orihinal nilang diocese kapag natapos na ang kanilang misyon.  Doon nila itutuloy ang kanilang paglilingkod.  Subalit mayroong mga Guest Priests na naisipan nang manatili sa diocese sa umampon sa kanila at nagsimula na silang mag-apply para matanggap sa diocese na ito. Basta tama ang proseso, ang isang Guest Priest ay nakakalipat sa isang panibagong diocese.  Kadalasan, siya ay nagiging Parish Priest din doon sa tamang panahon.
Minsan may naririnig tayong mga kaso ng Guest Priests na hindi na makabalik sa kanilang diocese na pinanggalingan dahil sa iba’t-ibang dahilan.  Ang iba ay may hidwaan sa kanilang Obispo, o sa ibang pari doon o kaya naman sa ilang mga tao sa mga panahong nagdaan. Pero ngayon, maraming Obispo sa mga siyudad na tinutulungan ang mga Guest Priests upang sila ay makabalik nang maayos at unti-unting makipagkasundo sa kanilang nakalipas.
Sabi ni Cardinal Sin, kung walang mga Guest Priests, paano matutugunan ang lahat ng pangangailangang espiritwal dito sa Maynila?  Iyan din siguro ang saloobin ng maraming Obispo na may pagpapahalaga sa mga Guest Priests na dumarating sa atin.