ANG DAAN NG KRUS PARA SA KAPAYAPAAN AT PAGHILOM
MGA MAIIKLING PAGNINILAY
Sa harap ng Diyos, kasama ang Mahal na Birhen at ang mga anghel at mga banal, makibahagi tayo sa Daan ng Krus para sa kapayapaan at paghilom (peace and healing). Kailangang kailangan natin ang mga ito ngayon. Nawa ang kapayapaan at paghilom ng Espiritu Santo ang manahan sa ating puso. Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.
ANG UNANG ISTASYON: SI HESUS AY HINATULAN NG KAMATAYAN
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Panginoong Hesus ibinahagi mo po sa amin mula sa iyong puso ang mga kataga ng kapayapaan at pag-asa at mula sa iyong mga kamay ang gawain ng paghilom sa aming mga sakit at karamdaman. Pawiin nawa ng iyong pagmamahal ang aming takot, at wasakin nawa ng iyong kapayapaan ang mga alitan at digmaan sa aming buhay. Sa pagsunod namin sa iyo sa daan tungo sa iyong kamatayan, punuin mo kami ng kapayapaan at kagalingan at gawin kaming kasangkapan ng kabutihan sa mundong ito. Amen.
ANG IKALAWANG ISTAYON: PINASAN NI HESUS ANG KANYANG KRUS
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Panginoong Hesus, hinipo mo po ang aming puso at inilapit mo kami sa iyo. Niyakap mo ang mga alagad at ang mga bata. Nakilala nila ang laki ng iyong pagmamahal at habag. Tulungan mo kaming nagpapasan ng aming krus na gumaling sa aming mga karamdaman ng kaluluwa at katawan at maging matatag sa pagharap sa mga hamon ng buhay dahil kapiling ka namin. Maibahagi nawa namin ang iyong pagmamahal sa aming kapwa tao. Amen.
IKATLONG ISTASYON: ANG UNANG PAGKADAPA NI HESUS
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Panginoong Hesus sa tuwing kami ay madadapa sa kasalanan, hindi namin nakikita ang malaking pagdurusang dala nito sa aming kapwa at lalo na sa iyo. Patawarin mo po kami. Tulungan mo kaming makabangon at makasunod muli sa iyo bilang mga lingkod mo at mga kawal ng kapayapaan at pagkakasundo. Sa aming paglakad, lagi nawa kaming tumabi sa iyo upang kahit muling madapa ay maranasan namin ang pagliligtas ng iyong mga bisig. Kakapit kami sa iyo na siyang nagbibigay ng kapayapaan at paghilom sa buong mundo. Amen.
IKA-APAT NA ISTASYON: NASALUBONG NI HESUS ANG KANYANG INANG SI MARIA
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Kalinis-linisang Puso ni Maria, ipanalangin mo po kami. Ipagdasal mo ang mga maysakit at ang mga naguguluhan upang makasumpong ng kapayapaan at lunas sa Kamahal-mahalang Puso ng Iyong Anak. Itinataas namin sa iyo lalo na ang mga batang nasa gitna ng digmaan, alitan at karamdaman. Dalhin mo sila sa mga lugar kung saan ligtas sila at magkakaroon ng matiwasay at banal na buhay. Amen.
IKALIMANG ISTASYON: PINASAN NI SIMON CIRENE ANG KRUS NI HESUS
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Panginoong Hesus, maraming humaharap sa matinding takot sa buhay. May mga krus ng kahihiyan at sindak na lalong nagdudulot ng sugat sa puso ng mga tao. Subalit minsan ang mga krus ding ito ang nagiging tulay upang masumpungan namin ang iyong sugatang tagiliran at doon umagos sa amin ang iyong pagmamahal. Sa mga sugat mo Panginoon, dumaloy po nawa sa amin ang kapayapaan, paghilom at lakas ng loob na sundan at mahalin ka. Amen.
IKA-ANIM NA ISTASYON: PINUNASAN NI VERONICA ANG MUKHA NI HESUS
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Panginoong Hesus, itatak mo ang iyong larawan sa aming puso at diwa. Nawa maisalarawan ka namin sa lahat ng aming gawa at salita. Sa lahat ng sandali, ang dala namin ay walang iba kundi ikaw, ang iyong presensya, sa aming katauhan. Bagamat kami din ay makasalanan, mahina at nangangailangan, maibahagi nawa namin sa iba ang kapayapaan mo at paghilom. Amen.
IKAPITONG ISTASYON: ANG IKALAWANG PAGKADAPA NI HESUS
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Panginoong Hesus, nakibahagi ka sa paglalakbay namin bilang tao at dahil dito ikaw ay nasugatan at naghirap. Sa anumang iniinda namin sa katawan o kaluluwa, tulungan mo po kaming iugnay sa iyo ang mga pasakit na ito para sa kabutihan ng iyong kaharian sa mundo. Ipinagdarasal namin ang mga pagod na sa mga digmaan ng buhay na kanilang kinakaharap at takot nang mabuwal at masaktan, upang makatagpo sila sa iyo ng lakas at kapayapaan habang nagsisikap na tumayong muli at makibaka sa buhay. Amen.
IKAWALONG ISTASYON: SI HESUS AT ANG MGA KABABAIHAN NG HERUSALEM
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Panginoong Hesus, umiyak ang mga babae nang makita ka nila. Sinabihan mo po silang tumangis para sa kanilang kasalanan at sa kanilang bayan upang maghari ang kapayapaan at kagalingan. Tulungan mo kaming huwag lamang malungkot sa iyong tinamong hirap at sa kasalanan ng iba. Sa halip, magsikap nawa kaming magsimula ng buhay na payapa at buhay na nagpapagaan sa pinagdadaanan ng aming kapwa. Amen.
IKASIYAM NA ISTASYON: ANG IKATLONG PAGKADAPA NI HESUS
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Panginoong Hesus, malapit ka na sa tuktok ng Kalbaryo, nanghihina dahil sa kasalanan ng buong mundo. Subalit tumayo ka pa rin upang palayain kami at bigyan ng pag-asa. Walang anumang sagabal ang makapipigil sa iyo upang hanapin kami at yakapin. Tanggalin mo po sa aming puso ang anumang nakasisira ng kapayapaan at pagkakaisa ng aming pamilya at kapaligiran. Magsimula nawa sa amin ang pagpapatawad, pagkakasundo, paglilingkod at pag-asa para sa mga nahihirapan sa buhay. Amen.
IKASAMPUNG ISTASYON: HINUBARAN SI HESUS NG KANYANG KASUOTAN
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Panginoong Hesus, hinubad nila ang iyong damit subalit hindi nila maaalis ang iyong karangalan bilang Diyos, ang iyong kabanalan, ang iyong pagmamahal at kapayapaan. Minsan takot kaming maging mahina at walang laban. Nagtatago kami sa likod ng aming trabaho, reputasyon o posisyon. Panginoon, ang iyong kapayapaan po nawa ang maging kasuutan namin sa buhay. Tulungan mo kaming mag-aruga sa mga higit na naghihirap sa loob ng aming pamilya at pamayanan. Damitan nawa namin sila ng lakas at pag-asang mula sa iyo. Amen.
IKALABING-ISANG ISTASYON: SI HESUS AY IPINAKO SA KRUS
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
Panginoong Hesus, madalas na sa aming sinasabi, ginagawa o iniisip, nakasasakit at nakawawasak kami ng iba. Minsan hindi namin alam na nakasusugat kami ng puso ng kapwa. Tulutan mo po kaming huwag makapanakit kundi makapaghilom. Sa mga lugar ng gulo, magdala ng kapayapaan, magbigay ng tulong, at maging sanhi ng paghilom, at tulad mo, iabot ang aming kamay upang humupa at mabawasan ang galit, hirap at sakit sa mundong ito. Amen.
IKALABING-DALAWANG ISTASYON: NAMATAY SI HESUS SA KRUS
(luluhod ang lahat)
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
(sandaling katahimikan)
Ama, namatay si Hesus sa krus na bigo at wasak ang puso dahil sa kasamaan ng mundo at ng tao. Umagos sa tagiliran niya ang tubig at dugo. Nawa po ang banal na tubig ng kanyang Salita at ang banal na Dugo ng kanyang Sakripisyo ang luminis, magpatawad, magpahilom sa kasalanan at sigalot ng buhay upang manahan lamang ang kapayapaan at tunay na pagmamahal sa puso ng lahat sa bawat ng bayan at pamayanan. Amen.
IKALABING-TATLONG ISTASYON: IBINABA SI HESUS SA KRUS
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
O Espiritu Santo, madalas naming tanggihan ang iyong paggabay sa amin na dalawin ang libingan ng Panginoong Hesus, ang aming Tagapagligtas. Maalala nawa namin ang kanyang mga Salita at mahaplos ang kanyang katawan kung saan nagmumula ang pagtitiis na makatutulong sa aming lumakas sa aming paglalakbay at maging matapang sa pakikibaka sa mga krus ng aming buhay. Amen.
IKALABING-APAT NA ISTASYON: INILIBING SI HESUS
Sinasamba ka namin, O Kristo, at pinupuri ka namin.
Sapagkat sa pamamagitan ng iyong banal na krus ay tinubos mo ang mundo.
O Espiritu Santo, tulungan mo po kami kung ang mga puso namin ay nagugupo ng mundong ito. Bigyan mo kami ng kapahingahan sa mga sugat na tinamo ng aming Manunubos na nabuhay muli upang lupigin ang gulo, kasalanan, at kamatayan. Pagalingin mo at panibaguhin mo kami sa pananampalataya, katapangan at pagmamahal. Nawa mapuno kami ng kapayapaan at pag-asa na dulot ng Muling Pagkabuhay niya. Amen. (photo above, thanks to the internet)