SAINTS OF MARCH: SAN JOSE, KABIYAK NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
MARSO 19
Dakilang Kapistahan ni San Jose
A. KUWENTO NG BUHAY
Sobrang malapit sa aking puso ang santong ito at palagay ko marami pang tao na talagang may marubdob na debosyon sa kanya. Hangga’t may pagkakataon, hindi ko pinalalampas na purihin si San Jose at hikayatin ang iba na subukang magdasal at humingi ng tulong niya sa kanilang mga pangangailangan. Mabisa ang mga panalangin kapag may tulong ni San Jose. Sino pa ba ang mas malapit sa puso ng Panginoong Jesus kasunod ng Mahal na Birheng Maria? Tiyak na ito ay ang itinuring niyang ama sa lupa, si San Jose.
Isa ito sa dalawang kapistahan ni San Jose sa ating liturhiya. Ang isa ay sa Mayo 1, bilang paggunita sa kanyang pagiging manggagawa. Subalit sa araw na ito, ang ating pinararangalan ay ang kanyang pagiging asawa ng Mahal na Birheng Maria at ama-amahan ng ating Panginoong Jesucristo.
Mula sa Mabuting Balita ay matutunghayan natin kung paano tumugon si San Jose sa tawag sa kanya ng Diyos. Basahin na lamang ninyo sa unang bahagi ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo (kabanata 1-2) at ayon kay San Lucas (kabanata 1-2 at bahagi ng 3) ang mga kuwentong binabanggit si San Jose at lalo ninyong siyang makikilala.
Hindi madali kay San Jose ang hiningi ng Diyos na sakripisyo mula sa kanya. Tulad ng ibang kalalakihan, ninais din niyang magkaroon ng sariling asawa at sariling mga anak na magbibigay sa kanya ng karangalan at kagalakan sa kanyang pagtanda. Sa halip, nakita niya ang sarili niya bilang kasangkapan sa pagtatatag ng Diyos ng isang pamilya na magiging tahanan ng Anak ng Diyos na si Jesus. At buong tiwala at pagsunod na tinanggap niya ang kalooban ng Diyos na maging esposo ni Maria at legal na ama ng Panginoong Jesucristo.
Walang nabanggit na anumang salitang binigkas o nasambit ni San Jose sa mga salaysay sa Biblia ngunit ang kanyang katahimikan at pagkilos ay higit pa sa maraming salita. Tulad ni Maria, napakaraming biyaya sa mundo ang naipagkaloob ng langit dahil sa pagtugon ng isang simpleng lalaking ito mula sa lahi ni Haring David.
Ayon sa paniniwalang Kristiyano, si San Jose ay asawa ni Maria, ang ina ng Panginoong Jesucristo. Si Maria at Jose ay nakatakdang ikasal. Subalit isang araw, nagpakita ang anghel ng Panginoon kay Maria upang ipahayag na siya’y napili para sa isang mahalagang misyon: magsisilang siya ng sanggol, ang Anak ng Diyos na si Jesus. Nang matupad ito, si Jose ay naging ama-amahan, tagapag-alaga, at tagapagturo ni Jesus. Si Jose ang naging tagapagtaguyod ng Banal na Pamilya.
Ang pagmamahal at katapatan ni Jose kay Maria ay bantog. Nanirahan siya kasama ang kanyang asawa at tinanggap niya ang mahiwagang pahayag ng anghel tungkol sa paglilihi at pagsilang ng sanggol. Upang ingatan si Maria at Jesus mula sa poot ni Haring Herodes, na hari ng mga Hudyo noong panahong iyon sa ilalim ng pamahalaang Romano, itinakas sila ni Jose sa Ehipto.
Tulad ni Maria, tila nagmula sa simpleng pamumuhay lamang si San Jose at makikita ito sa alay na dala niya sa Templo nang ihandog ang Banal na Sanggol: dalawang batu-bato lamang. Sinabi din sa Salita ng Diyos na siya ay isang taong matuwid. Iniligtas niya ang buhay ng kanyang mag-ina sa tiyak na kamatayan. Nakinig siyang may tiwala sa tinig ng anghel na isinugo sa kanya ng Diyos.
Nang labindalawang-taong gulang na si Jesus, ayon sa kaugalian ng mga Hudyo, dinala si Jesus sa Templo ng Jerusalem. Nang pabalik na sila, nawala sa kanilang piling si Jesus at naging balisa si San Jose kasama ni Maria. Ito ang mga pangunahing bagay na alam natin tungkol kay San Jose sa mga ebanghelyo.
Nakilala si Jesus bilang karpintero o anak ng karpintero dahil marahil ito nga ang hanapbuhay ni San Jose. Noong unang panahon, minamana ng anak na lalaki ang trabaho ng kanyang ama. Ipinapasa ng ama sa anak na lalaki ang natutuhan niyang gawain mula din sa kanyang ama.
Maraming mga santo at mga banal na manunulat ang may malalim na debosyon kay San Jose. Sa ating simbahan ay maraming pagkakataon na inaanyayahan tayong kilalanin siya at parangalan. Siya ay ipinahayag na Patron ng Simbahan sa Buong Daigdig noong 1870, sa atas ni Santo Papa Pio IX.
Maraming bansa at diyosesis ang humirang kay San Jose bilang kanilang tagapagtanggol, halimbawa ang mga sumusunod:
Austria noong 1675
Belgium (hindi tiyak ang petsa)
Bohemia noong 1655
Canada noong 1624 at noong 1637
China noong 1678
Mexico (hindi tiyak ang petsa)
Peru noong 1957
Russia noong 1930
Vietnam noong 1952 ( South Vietnam )
Diyosesis ng Cali sa Colombia noong 1993
Pangalawang patron ng diyosesis ng Legnica noong 1993
Diyosesis ng Coatzacoalcos, Mexico noong 1994
Diyosesis ng San Jose sa California noong 1985
Patron ng mga lumalaban sa Komunismo noong 1937
Mga tanging kahilingan na inihihingi ng tulong sa kanya:
Kung nagdududa o nag-aalinlangan Para sa mga ama ng tahanan
Para sa katarungang panlipunan Para sa mapayapang kamatayan
Para sa mga pamilya
Para sa mga namimili ng ari-arian
Para sa mga nagsisimula ng bagong buhay o bagong gawain sa buhay
Para sa mapayapang paglalakbay
Ang debosyon kay San Jose ay bunga ng kanyang katangian na kababaang-loob at katapatan bilang lingkod. Hinahangaan din ang kanyang kabanalan, kaya siya ang patron ng simbahang Katoliko sa buong daigdig. Sa buong mundo, maraming mga simbahan, dambana, at mga pilgrimage sites para kay San Jose.
Pinakatanyag ang dambana ni San Jose sa Canada, na itinayo ni San Andres Bessette, na sobrang tindi ng debosyon sa kanyang paboritong si San Jose.
Nais kong ibahagi sa inyo ang aking sariling salin sa Filipino ng aking paboritong nobena kay San Jose, mula sa orihinal na ingles na natutuhan ko pa mula sa aking yumaong kura paroko, Fr. Francisco “Boy” Sta. Ana, ng Diyosesis ng Malolos:
Makapangyarihang Nobena kay San Jose
O San Jose, na ang pangangalaga ay lubhang dakila, malakas at mabilis sa harap ng luklukan ng Diyos, ihihahabilin ko sa iyo ang aking mga naisin at saloobin. O San Jose, alalayan mo ako ng iyong dakilang pamamagitan at kamtin mo para sa akin mula sa iyong Banal na Anak ang lahat ng pagpapalang espiritwal sa ngalan ni Jesucristong aming Panginoon. Upang kapag naranasan dito sa lupa ang iyong makalangit na kapangyarihan, makapag-alay ako ng pasasalamat at pagsamba sa Diyos na pinakamapagmahal sa lahat ng mga ama.
O San Jose, hindi ako nagsasawang pagnilayan ka, at si Jesus na nahihimlay sa iyong mga bisig; nangingimi akong lumapit habang natutulog siyang malapit sa iyong puso. Yakapin mo po siya para sa akin at halikan ang kanyang ulo para sa akin at hilingin mong ibalik niya ang halik na ito sa sandali ng aking huling hininga.
O San Jose, patron ng mga kaluluwang pumapanaw, ipanalangin mo po ako. Amen.
B. HAMON SA BUHAY
Si San Jose ay hindi lamang ang pangalawang tao, kasunod ng Mahal na Birheng Maria, na pinakamalapit sa puso ng Panginoong Jesucristo. Siya rin ang ating dakilang kaibigan sa buhay-espiritwal, isang makapangyarihang tagapamagitan at mabuting tagapagdulot ng pangangailangan para sa kanyang mga deboto, tulad ng ginawa niya para sa Banal na Mag-anak sa Nazaret. Siya ang aking paboritong santo na hindi bumibigo sa pagtulong sa akin. Lagi ko siyang inirerekomenda sa bawat Katoliko na kailangan ang gabay sa langit. Subukan ang makaamang pagkalinga ni San Jose. Lumapit kay San Jose. Ite ad Joseph!
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 1:16
Si Jacob ang ama ni Jose—ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo.
from Isang Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos; image is from a famous church in Malta