SAINTS OF APRIL: San Vicente Ferrer
ABRIL 5
(Pari)
A. KUWENTO NG BUHAY
Malaking pagtataka ko kung bakit ang mga larawan o imahen ni San Vicente Ferrer ay nagpapakita ng isang paring Dominican na may hawak na libro at may pakpak sa likod. Na pari siya ay madaling maintindihan. Na tagapagturo siya ng pananampalataya ay ganundin. Pero iyong may pakpak siya? Bakit kaya?
Hindi anghel si San Vicente Ferrer. Isa siyang normal na tao tulad natin. Ipinanganak siya sa Valencia, Spain noong Enero 23, 1350, sa gitna ng maraming hudyat sa kanyang mga magulang na magiging dakila at kakaiba ang kanilang anak pagdating ng takdang panahon.
Dahil sa kaugnayan ng kanilang pamilya sa Dominican Order sa kanilang lugar, nang tumuntong siya ng labinlimang taong gulang, matapos makapag-aral sa paaralan ng mga Dominikano, naghangad siyang maging isang paring Dominikano rin. Dito lumago ang kanyang pananampalataya at nagkaroon ng masidhing pagnanasa na sundan ang halimbawa ng mga banal na miyembro ng order na ito na kilala sa mabisang pangangaral.
Sinasabing may “gift of tongues” si San Vicente dahil madali niyang natutuhan ang iba’t ibang mga wika at diyalekto sa Europe. May talino siya sa pag-aaral at pagsasalita ng mga wika na nagamit naman niya nang husto sa kanyang misyon.
Isang malungkot na pangyayari sa panahong iyon ay ang tinatawag na Western Schism o ang paninirahan ng mga Santo Papa, hindi sa Rome kundi sa Avignon, France. Noong una ay sinuportahan ni San Vicente si Papa Benito XIII sa Avignon, subalit binawi niya ito nang makita niyang tila ayaw ng Papa na maputol ang maling pananatili nito sa Avignon.
Malaking bahagi ng buhay ni San Vicente ay ginugol niya sa pangangaral sa pamamagitan ng paglilibot sa mga bansang Spain, France, Italy, Switzerland, at the Netherlands. Bukod sa pangangaral marami din ang nagpatotoo na kaya niyang gumawa ng himala tulad ng pagpapagaling ng mga maysakit.
Maraming tao ang nahikayat ng kanyang mga salita. Dahil sa kanya ay lumaganap ang kagustuhan ng mga tao na gumawa ng penitensya bilang tanda ng kanilang pagsisisi sa mga kasalanan. Maraming mga makasalanan, mga Hudyo, at mga walang pananampalataya ang naakay niya sa Diyos sa mga panahong nagtuturo siya sa mga tao.
Pero bakit nga ba may pakpak si San Vicente Ferrer? Ang binibigyang-diin ng kanyang pangangaral ay tungkol sa mga huling sandali ng mundong ito. Kaya nga dapat mabuhay ang mga tao ayon sa turo ng Diyos at iwanan ang likong pamumuhay. Dahil dito, naihambing si San Vicente sa anghel na binabanggit sa Biblia sa aklat ng Pahayag, ang anghel na maghuhudyat ng pagdating ng mga huling araw o ng wakas. Kaya maraming mga pintor at manlililok ang nagsalarawan sa kanya na may pakpak sa kanyang likuran na tulad ng isang anghel.
Namatay si San Vicente Ferrer noong 1419 sa Vannes, France at kumalat ang pagkilala sa kanya sa maraming mga lupain lalo na sa Spain, Latin America, at dito sa ating bansa. Sa mga probinsya ng Pilipinas, kilalang-kilala siya bilang isang paboritong santong patron.
B. HAMON SA BUHAY
Nabubuhay tayo araw-araw na tila ba walang katapusan ang ating buhay. Maganda rin na tulad ni San Vicente ay pagnilayan natin ang dulo ng buhay natin dahil talaga namang darating ang huling sandali.
Ano ang ginagawa mo para maging handa ka sa pagdating ng wakas ng iyong buhay sa lupa?
K. KATAGA NG BUHAY
++ Lc 12:36
Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara.
From the book Isang Sulyap sa mga Santo ni Fr. RMarcos; photo from New Mexico State University