ANONG ISYU MO? PART 11: TANGHALI NA PALA!
Depende sa araw-araw mong gawain, dalawang bagay lang ang makapagbibigay sa iyo ng pagkagulat habang sinasabing “tanghali na pala!” Ang una, kung sobrang abala ka sa gawain sa bahay o trabaho o sa paaralan, hindi mo talaga mamamalayan na tumatakbo ang oras. Dahil subsob sa maraming gawain, magugulat ka na lamang na kalahating araw na pala ang lumipas. Ikalawa, kung wala ka namang ginagawang masyado, o kaya ay patumpik-tumpik sa gawain o hindi seryoso sa mga atas sa maghapon, magugulat ka din na tanghali na pala at walang naging bunga ang buhay mo. Nasayang na naman ang oras mo.
Anuman ang iyong situwasyon, bilang Kristiyano, mapapatanong ka sa katanghalian ng buhay, naalala ko ba ang Diyos sa maghapong ito? Kapiling ko ba ang Panginoon sa mga oras na nagdaan? Batid ba ng aking puso at isip na kasama ko siya at ako’y nasa harapan niya? O baka tulad ng madalas, lumilipas ang maghapon na tila wala kang kaugnayan sa Panginoon.
Mahirap talagang magdasal sa loob ng maghapon o kahit na itaas man lamang ang isip at puso nang tahimik sa Panginoon. Pagputok ng liwanag sa umaga, kaydami nang mga kumukuha ng ating atensyon, mahalaga man o hindi. At sa panahon ngayon, mas kapiling ng mga tao ang kanilang cell phone o gadget at mas tutok sa tv, radio at computer maghapon.
Kung nais nating pabanalin ang ating maghapon at manatilig nakakapit, nakataban, nakahawak sa kamay ng Panginoon, kailangan nating tulungan ang ating sarili. Sa mga monastery at kumbento, talagang may panahong nakatakda sa panalangin kung saan tumitigil ang lahat para magtungo sa kapilya at magdasal o magnilay. Pero sa abalang mundo, walang ganoon. Ano ang maaari nating gawin upang pabanalin ang maghapon?
Kung tutuusin, may mga takdang oras din upang manalangin tayo bilang mga Katoliko. Bukod sa panalangin sa umaga, may orasyon o Angelus na iminumungkahing dasalin sa umaga, halimbawa, bago umalis ng bahay o bago magsimula ng gawain; sa tanghali sa bandang alas-dose; at sa hapon, paglubog ng araw. Simple subalit magandang panalangin ang orasyon o Angelus at nagpapa-alala sa atin ng Pagkakatawang-tao ng ating Panginoong Hesukristo. Sa tuwing kakain tayo, maaari ding magpasalamat, hindi lamang sa pagkain kundi sa mga sandaling nagdaan. Kung gagawing taimtim ang panalangin bago at pagkatapos kumain, napakagandang papuri ito sa Panginoon. Iyon nga lang, marami sa ating nahihiyang magdasal nito lalo’t may ibang tao. Huwag ikahiya ang bagay na kahanga-hanga!
Sa biyahe, lalo na sa traffic, maaaring magdasal ng Rosaryo o ng pansariling dasal mula sa isip. Maaari din itong gawin kapag naghihintay sa pila, nag-aabang ng sasakyan o ng susunod na meeting, o habang naglalakad pauwi. Bukod sa Rosaryo, magandang paulit-ulit na tahimik banggitin ang “Jesus Prayer” – Panginoong Hesus, Anak ng Diyos, maawa po kayo sa akin na isang makasalanan. Nariyan din ang “Surrender Prayer” – Panginoong Hesus, isinusuko ko sa iyo ang aking sarili; bahala na po kayo sa lahat. Sa halip na mag-isip ng kung anu-ano o maglibang sa ingay ng music o games o social media, maaaring humugot ng kapayapaan at katiyakan ng puso sa mga mumunting pagkakataon sa maghapon na maaari din tayong maging mulat sa presensya ng Panginoon.
Tanghali na pala! Oo, tanghali na nga! At hindi nasayang ang oras mo, dahil kapiling mo ang Panginoong Hesukristo, ang Mahal na Birhen at ang mga anghel at mga santo. Amen.
ourparishpriest 2023