ANG JEEP NG PAPANG
Iba ang pakiramdam kapag dumarating na;
Kabisado ko ang tunog ng kanyang makina.
Pag-uwi sa hapon ng pagod kong ama,
Maneho ang jeep na maghapong ipinasada.
Kapag sa paaralan tinanong ng maestra
Inungkat ang magulang tungkol sa karera
Walang kurap mata ang sagot ay iisa
Ang papang ko’y tsuper at nanay ay maestra.
Ang tatay ko’y tsuper; ito ba’y ikinahiya?
Siguro minsan, kapag kaklase ay nagbabalita
Na abogado, enhinyero, doktor ang kanila
Samantalang ang ama ko maghapon sa kalsada.
Subalit kung tutuusin, akoy pinagpala
Jeep naming mabagal, maigsi at luma
Kapag umarangkadang maneho ng ama
Ako’y prinsipe at mommy ko’y reyna!
Nasaan na nga ba ang jeep nyang luma?
Araw-araw ang punas, laging kinalinga
Ang sahig bagong langis makintab sa mata
Ang kaha sa harapan kaydaming barya!
(isang parangal sa mga tsuper at lumang jeep nila… at sa Papang kong dating jeepney driver; ourparishpriest 2023; photo from https://www.spot.ph/newsfeatures/mobility/104070/jeepney-fares-is-reduced-from-p12-to-p9-a5229-20230316)