Home » Blog » IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY A

IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY A

ANG ESPIRITU NG PAGKABUHAY

JN 14: 15-21

Sinimulan ng isang batang pari ang kanyang sermon sa Pasko ng Pagkabuhay nang ganito: “Nabuhay si Kristo! E ano ngayon?” Madali nga namang makisawsaw sa panahong it nang hindi alam ang kahulugan nito. Ano nga ba ang hinihingi ng Pasko ng Pagkabuhay mula sa akin at sa iyo?

Ang manalig sa Muling Pagkabuhay at ipagdiwang ito ay nangangahulugang unawain at tanggapin ang mahahalagang sangkap nito. Una, si Hesus na ipinako sa krus ay tunay na Muling Nabuhay! Ikalawa, ang kaganapang ito ay ang “mabuting balitang” hinihintay ng mundo. Ikatlo, si Kristong Nabuhay Muli ay makakatagpo lamang sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. At huli, ang lahat ng ito ay matutuklasan, ipagbubunyi at isasabuhay sa loob ng pamayanan ng simbahan.

Ang Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ang nagbigay-liwanag sa Espiritu Santo. Siya ang Kaloob ni Hesus noong unang Linggo ng Pagkabuhay. Ayon sa ebanghelyo ngayon, ang Espiritu Santo ang Pangako, ang Patnubay, ang Kakampi ng bawat mananampalataya. Kaya ang Espiritu Santo ang ating Tunay na Kaibigan na hindi mang-iiwan kailanman. Ipinakilala siya ni Hesus subalit nakikilala din natin siya sa pamamagitan ng pakikipagtagpo sa kanya.

Hindi na natin nakikita si Hesus tulad nang dati – namamasdan, nadirinig, nahihipo. Subalit sabi niya, “makikita ninyo ako…” sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sa tulong ng Espiritu Santo, patuloy tayong nakaugnay sa Panginoong Hesus at sa Ama. Kaya lang, ngayon, napapansin pa ba natin ang Espiritu Santo; kinikilala ba natin siya at tumatawag ba tayo sa kanya? Siya ba para sa atin, ang ayon nga sa tradisyon, “Panauhin ng kaluluwa” at “Kaibigan ng puso?”

Sa panahon natin, nakikipagtunggali tayo sa maraming mga naglipanang “espiritu.” Sinasalakay ng espiritu ng mundo ang ating puso. Sinisindak ng masamang espiritu ang ating pananampalataya. At maraming espiritu o kilos ng puso ang nanlilito at nagliligaw sa atin. Kailangan natin higit sa lahat ang Espiritu Santo at nagpapasalamat tayo kay Hesus sa pagbabahagi niya sa atin sa kanya ngayon at palagian.

Sa linggong ito, dasalin nang taimtim ang simpleng panalangin ni San Agustin: Hipan mo po ako, O Espiritu Santo nang maging banal ang kaisipan ko. Kumilos ka sa akin, O Espiritu Santo nang maging banal ang gawain ko. Akitin mo ang puso ko, O Espiritu Santo nang ang mga banal na bagay lamang ang hangarin ko. Palakasin mo ako, O Espiritu Santo nang lahat ng mga banal na bagay ay ipagtanggol ko. Bantayan mo ako, O Espiritu Santo nang laging maging banal ang buhay ko. Amen.

ourparishpriest 2023