Home » Blog » ANONG ISYU MO? PART 13: LORD, NAGKASALA PO AKO!

ANONG ISYU MO? PART 13: LORD, NAGKASALA PO AKO!

Isang estudyante sa isang Catholic school ang taas-noong nagsulat sa diyaryo na hindi na siya naniniwala sa Diyos. Noong schedule kasi ng Kumpisal sa school nila, sa halip na tunay niyang pag-isipan ang sasabihing mga kasalanan sa pari, sa google daw siya naghanap ng mga kasalanang puwedeng ikumpisal. Dahil hindi nagduda ang pari, para sa kanya, hudyat ito na walang Diyos at kaya, mula noon, wala na daw siyang pananampalataya.

Nang mabasa ko ang sulat na ito ng bata, napa-isip ako. Sino kaya ang niloko niya, kundi ang kanyang sarili? Hindi ang pari, dahil hindi naman ito manghuhula at umaasa ito sa katapatan ng nagkukumpisal. Hindi din ang Diyos, dahil laging laan ang Diyos na tulungan tayo sa bawat situwasyon ng ating buhay, lalo na sa pagbangon sa ating mga kasalanan.

Magandang pagkakataon ito dahil malapit na ang mga Mahal na Araw, isang pagkakataon na magnilay sa buhay, sa mga nais ng puso, at sa ating mga pagkukulang, hindi upang magmukhang miserable kundi upang muling bumangon at bumawi, upang magbago at magtuwid ng anumang mali. Ang Kumpisal ay isa sa mga paraan, ang pinakamagandang paraan para sa isang Katoliko, upang harapin ang kanyang kahinaan at kasalanan, at maglakas-loob na yakapin ang bagong buhay. Ang hirap lang, kaydaming takot sa Kumpisal. Iba-iba kasi ang ating kaisipan ukol dito: baka pagalitan ako ng pari; nakakahiyang ipagtapat ang aking kasalanan; tao lang din naman ang pari; puwede naman akong dumiretso sa Diyos; hindi pa ako handa, next year na lang siguro; hindi naman ako napakasamang tao.

Dahil dito minsan ay hinarap ko muna ang mga batang naghihintay ng Kumpisal at tinanong sila kung ano ang kanilang pakiramdam. Totoo nga na kinakabahan sila. Kaya unti-unti kong ipinaliwanag sa kanila ang Kumpisal gamit ang larawan sa Lukas 15, ang talinghaga ng alibughang anak (prodigal son). Ipinaliwanag ko ang awa at habag ng Diyos na hindi nanghuhusga, hindi nagagalit, hindi nagtataboy kundi naghihintay, nangungulila, sumasalubong at yumayakap sa anak na nalugmok sa kasalanan. Bagamat kailangang harapin ng anak ang kanyang buhay na may pakiramdam ng hiya, guilt, at takot, sa bandang huli, napawi lahat iyan dahil natabunan ng pagmamahal ng Diyos. At ang pari ay kasangkapan ng Diyos upang iparating sa atin ang kanyang mga salita ng pagmamahal at pagtanggap: Pinatatawad kita sa iyong mga kasalanan sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.

Nagulat ako sa reaksyon ng mga bata. Napawi ang kanilang takot at napalitan ng kapayapaan… at maging ng pananabik na katagpuin ang Panginoong Diyos sa Kumpisal; hindi na sila takot sa pari kundi itinuring ito bilang kanilang kaibigan na maglalapit sa kanila sa Panginoong Hesukristo.

Sa pagtanggap mo ng Kumpisal, ngayong mga Mahal na Araw, at maging sa anumang panahon, gawi mo ito at baka makatulong: Ilagay sa kamay ng Diyos ang iyong mga kasalanan, walang itatago, walang tatakpan. Magtiwala ka habang naghahandang tanggapin ang bunga ng sakramento. Alalahanin mo ang panahong sinabi ni Hesus kay Pedro (Lk 22: 31-34) na alam niyang magkakasala ito subalit ipinagdasal na niyang makabangon si Pedro at maging matatag. Isipin mong ganito din ang ginagawa ni Hesus para sa iyo, ipinagdarasal ka niyang makabangon muli sa iyong mga kasalanan, pagkakamali at pagkululang; kaya pabayaan mong patawarin ka ng Diyos at maging kasangkapan ng biyaya at kapayapaan ang Kumpisal para sa iyo at sa iyong kapwa.

Isipin mo din na anumang kasalanang nagawa mo ay katiting lamang kung ihahalintulad sa napakalawak na pagmamahal at awa ng Diyos. Ang hindi maniwala na mapapatawad ka ng Diyos ay pagtangging magtiwala sa kanyang habag na kayang muling luminis sa iyo.

Isipin mo na sa sandali ng Kumpisal, kahit napakadakila ng Diyos, lumalambot ang puso niya para sa iyo. Itinataas niya ang mukha mo upang titigan ang iyong mga mata at sabihing: “Pinatatawad na kita at mahal kita.” Tila magandang ulit-ulitin ito hanggang manuot sa ating puso – “pinatatawad na kita at mahal kita.” Hilingin mo sa Panginoon na ipakita sa iyo kung paano ka magiging mas mabuting tao ngayon. Ipagdasal mo ang mga taong tulad mo ay nakikipagbuno pa sa kasalanan at kahinaan ngayon.

Sa Kumpisal, tandaan mo ito: Ang pagmamahal at awa ng Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa anumang kasalanan mo. Amen.

(ourparishpriest 2023; image from Getty Images)