Home » Blog » ISTASYON NG KRUS IPINAGBAWAL?

ISTASYON NG KRUS IPINAGBAWAL?

Patuloy ang nagaganap na pagtuligsa at paghihigpit sa mga Katoliko sa Nicaragua ngayong 2023. Ang diktaturang gobyerno doon ay sanhi ng maraming karahasan laban sa mga Katoliko at iba pang inaakala nito na kalaban.

Ngayong Kuwaresma, ipinagbawal ang pagsasagawa ng Daan o Istasyon ng Krus sa mga lansangan ng bansa na kung saan ang karamihan ng mga mamamayan ay Katoliko, tulad ng sa lahat ng bansa ng Latin America.

Nauna nang ikinulong ang ilang pari, seminarista, lingkod-simbahan, at isang obispo; sinira at tinangkang sunugin ang ilang simbahan pati na ang isa sa pinaka-tanyag na dambana sa bansa; pinalayas ang mga madre ng Missionaries of Charity ni Mother Teresa; pinutol ang ugnayan ng bansa at ng Vatican matapos patalsikin ang papal nuncio mula sa bansa.

Ngayong mga Mahal na Araw, ipagdasal natin ang mga Kristiyanong walang kalayaang ipahayag ang kanilang pananampalataya at debosyon sa paggunita ng Pagpapakasakit, Kamatayan at Muling Pagkabuhay ng Panginoon, hindi lamang sa Nicaragua, kundi sa maraming bansa sa daigdig.

Habang itinuturing ng mga Pilipino ang Holy Week na isang mahabang bakasyon sa beach, hotel, abroad o iba pang mga gimik, ang ibang mga Kristiyano ay nakikipagbuno sa kapalaran para lamang makiisa sa mga pagdiriwang ng Mahal na Araw. Bilang mga Pilipino, hindi natin nararanasan ang hirap ng mga Kristiyanong pinag-uusig. Hindi masamang mag-bakasyon at magpahinga subalit huwag sanang isawalang-bahala ang tunay na kahulugan kung bakit tayo ay may bakasyon sa panahong ito – upang magdasal, magnilay, at makiisa sa pamayanang Kristiyano sa pagpapalalim ng ating pananampalataya.

Ourparishpriest 2023