ANO ANG BANAL NA MISA 1: ANG PAMBUNGAD NA AWIT
Ang pinakamahalagang panalangin ng mga Kristiyano, ang Eukaristiya o Banal na Misa ay nagsisimula sa isang awit. Ang pag-awit sa Misa ay kaugnay ng isang tradisyong nagmumula pa sa unang Misa, sa Huling Hapunan. Sa Mateo 26:30 at Markos 14:26, umawit ang Panginoong Hesus at ang mga alagad ng Hallel, iyong Salmo 113 at 118, na karaniwang pangwakas sa piging na pam-Paskuwa.
Sa Roma, ang Pambungad na Awit ay ginagawa na mula pa ika-6 na siglo. Binubuo ito ng isang antipona o tugon na isinasalit sa bawat talata ng isang salmo.
Ano ba ang “ministerial function” o tungkuling sa pagdiriwang ng mga awitin sa Misa at sa ating mga pagsamba bilang Katoliko? Kapag sinabing ministerial function, ang ibig sabihin, ano ang saysay ng isang bagay na ginaganap natin sa Misa. Lahat ng kilos sa Misa ay dapat may kabuluhan o kahalagahan sa pagdiriwang at sa mga nagdiriwang. Dahil kung walang saysay, dapat nang putulin o itigil ang isang kilos sa liturhiya.
Ano ba ang tungkuling ng pag-awit sa Misa ayon sa gabay ng simbahan?
- Nakakatulong ito na gawing maringal o solemne ang pagdiriwang
- Nakadagdag ito sa kagandahan ng pagtitipon
- Nagpapahayag ito ng pagkakaisa ng pamayanang nagdiriwang
Itong huli (pagkakaisa) ang pangunahing tungkulin ng Pambungad na Awit. Tayo ang Bayan ng Diyos sa loob man o labas ng simbahan. Subalit sa labas ng simbahan, kapag walang pagdiriwang ng pagsamba, tayo ay magkakaugnay subalit hindi ito nakikita, invisible manner. Kapag nagtipon naman para sa Misa, ang ating pagkakaisa ay madaling makita, visible. Ang sama-samang pag-awit sa simula ng Misa ang tanda ng pagkakaisang ito.
Kailan nagsisimula ang awit? Kapag pumasok na o nagprusisyon na ang pari at iba pang mga lingkod sa altar. Kailan matatapos ang awit? Kapag nakarating na sa altar ang pari. Kapag nasa altar na ang pari at nakikiugnay na sa nagdiriwang na pamayanan, ang simbahan na Katawan ni Kristo, kasama ang ulo o pinuno at mga bahagi nito, ay sinasagisag na sa kanyang kabuuan.
Ourparishpriest 2023; photo in this series is from: https://www.columbiadailyherald.com/story/news/nation-world/2013/03/03/catholics-pray-for-smooth-succession/25664247007/