Home » Blog » KANDIDATO sa PAGKA-SANTO, AMERIKANONG CHAPLAIN sa PILIPINAS

KANDIDATO sa PAGKA-SANTO, AMERIKANONG CHAPLAIN sa PILIPINAS

Fr. Joseph Verbis Lafleur bilang military chaplain

Sinimulan noong 2021 ang mga hakbang upang pag-aralan ang posibleng pagiging santo ni Father Joseph Verbis Lafleur, isang tenyente na military chaplain noong World War II, nadakip ng mga Hapon, at naging matapang na saksi noong nasabing digmaan sa larangan ng pagdadala ng mga kaluluwa sa ating Panginoong Hesukristo.

Na-destino si Fr. Joseph sa Clark Airbase sa Pilipinas at noong sakupin ng mga Hapon ang bansa noong 1941, tumanggi siyang iwanan ang kanyang unit at sa halip ay nagpasyang makasama ng kanyang mga pinaglilingkuran. Higit dalawang taon siyang naging bihag ng mga Hapon; namatay siya noong 1944 habang tinutulungan ang mga kasamahan na makaligtas at makatakas sa isang lumulubog na barkong patungong Japan. PInarangalan siya ng kanyang bansa ng Distinguished Service Medal, Purple Heart at Bronze Star.

Naging pari si Fr. Joseph noong 1938 at noong 1941 ay nag-volunteer na maging military chaplain. Matapos madestino sa Albuqerque, New Mexico, sunod siyang ipinadala sa Pilipinas sa Clark Field. Nang salakayin ng mga Hapon ang Clark, tumulong siya sa mga sugatan at naghihingalo na mga sundalo na dinalhan niya ng mga sakramento at umalalay din siya sa mga doktor na gumagamot sa mga ito kahit na napahamak ang kanyang sariling buhay.

Nang sumuko ang mga sundalong Amerikano at Pilipino sa mga Hapon matapos ang pagbagsak ng Bataan, si Fr. Joseph ay kasamang naging bihag. Dito niya ginugol ang nalalabi niyang buhay.

Palipat-lipat ang mga kulungan niya hanggang humantong siya sa Davao noong 1942. Kasama siyang nagsaka sa bukid at tumulong sa ibang mga sundalo. Nag-alaga siya ng mga maysakit na kasamahan. Ibinahagi niya sa kanila ang kanyang pagkain, at ipinagpalit pa ang kanyang relo at salamin sa mata para sa pagkain at gamot ng mga sundalo. Kahit na nagka-malaria, hindi siya tumanggap ng gamot at sa halip ay inialay na lang ito sa ibang higit na may karamdaman.

Higit sa lahat, nanatili siyang isang pari at gabay espirituwal. Nagtayo siya ng isang kapilyang kawayan na tinawag niyang Chapel of St. Peter in Chains at dito nagmisa tuwing umaga para sa  mga bihag na sundalo. Tipid niyang ginamit ang alak at tinapay na gamit sa Misa. 200 sundalo ang naging mga Katoliko dahil sa kanyang halimbawa at kinilala siyang isang santo ng mga sundalong nakasaksi ng kanyang pagmamahal sa kapwa.

Pinili niyang ipadala sa Lasang, Davao bilang kapalit ng isang bihag kahit noon ay mahinang-mahina siya. Minsang nangunguna sa pagro-Rosaryo, siya at ang ilang mga sundalo ay pinalibutan ng mga Hapon at tinutukan siya sa bayoneta sa tiyan. Nag-antanda ng krus si Fr Joseph at unti-unting humupa ang emosyon ng mga Hapon.

Dadalhin sana ang mga bihag sa Japan sa barkong Shinyo Maru ng mga Hapones na walang tanda na naglalaman ito ng mga Amerikanong bihag. Dahil dito, inatake ng torpedo ang barko ng mga Allied Forces sa pag-aakalang panay Hapones lang ang sakay nito. Pinangunahan ni Fr. Joseph ang mga bihag sa pagdarasal ng Rosaryo.

Nang buksan ang kanilang kinalalagyan, nagtangkang tumakas ang mga bihag habang hinagisan naman sila ng mga granada ng mga Hapones. Ang ilang nagtangkang tumalon sa dagat ay binarily din. 82 Amerikano lamang ang nakaligtas. Hindi kasama dito si Fr Joseph. Huli siyang namataan na nakatayo sa tabi ng hagdan, suot lamang ang isang tapis at tumutulong upang makatakas ang mga bihag.

Bago siya namatay ay naisulat niya ang mensahe: “Kung wala man ako dito, makakasama ninyo pa rin ako at maglalaan ako ng upuan sa inyo sa Langit. Tiyak kong ang ating Panginoon ay papayagan akong buksan kahit isang maliit na ulap upang masilip ko kayo diyan sa ibaba. At mula sa itaas mas kaaya-ayang tanawin at mas ganap na pang-unawa sa mga nagaganap ang aking makakamtan.”

Photo above from:

https://www.dailyworld.com/story/news/local/2020/01/31/opelousas-history-meet-joseph-verbis-lafleur/4609562002/