Home » Blog » PANALANGIN PARA SA FINANCIAL HEALING (Paghilom Pinansyal)

PANALANGIN PARA SA FINANCIAL HEALING (Paghilom Pinansyal)

Makapangyarihang Diyos,

Manlilikha, Kanlungan, Lakas at Tagapagtaguyod ng lahat,

Ikaw ang may katha ng lahat at ang bukal ng lahat ng kabutihan.

Narito po akong nagtitiwala sa iyong kabutihan at dakilang pagmamahal dahil sinabi mo: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” (Mt. 11:28)

Buo ang aking pananalig at pananabik na diringgin mo ang aking panalangin lalo na kung ito ay makabubuti sa aking buhay at ayon sa iyong banal na kalooban.

Panginoon, masdan mo po ang aking situwasyon sa pananalapi at hanapbuhay; dahil dito ay wala na akong ibang maaasahan kundi ikaw lamang.

Patawarin mo po ang aking mga pagkakamaling nagawa at tulungan mo akong matutong maging masinop sa iyong mga biyaya.

Pagkalooban mo po ako ng liwanag na makasumpong ng paraan upang maibsan ang aking pasaning pinansyal at pang-hanapbuhay.

Gabayan mo po ako sa tamang pangangalaga ng kaloob mong yaman. Iadya mo po ako sa kasakiman at pagka-ganid. Iadyo mo po ako sa inggit sa mga biyayang nakikita ko sa aking kapwa.

Ipadala mo po sa akin ang mga taong may mabubuting kalooban na makatutulong sa aking situwasyon at nawa’y maging tapat, mapagkakatiwalalan at maasahan nawa ako sa aking pakikitungo sa kanila.

Salamat po sa pagpapadama ng iyong pagmamahal at pagiging malapit sa akin lalo na sa panahon ng kahinaan at pagkabigo; sa pagbibigay ng lakas at tatag sa panahon ng takot at alinlangan; sa pagbubuhos ng kapayapaan sa gitna ng pagkabagabag.

Magsisikap ako habang matiyagang naghihintay ng himala mula sa iyong mga kamay para sa paghilom ng aking pangangailangang pinansyal.

Ito po ang samo ko at hiling sa ngalan ng iyong Anak at aming Panginoong Hesus, kasama mo at ng Espiritu Santo IIsang Diyos, magpasawalang-hanggan. Amen.

Mahal na Birheng Maria, lahat ng mga anghel at mga banal sa kalangitan, ipanalangin ninyo po ang aking kahilingan. Amen.

ourparishpriest 2023