SAINTS OF AUGUST: San Juan Maria Vianney (Pari)
AGOSTO 4
A. KUWENTO NG BUHAY
Isa sa pinakabantog na santo sa mga seminaryo ang paring si San Juan Maria Vianney. Siya kasi ang itinalaga bilang patron saint ng mga kura-paroko o mga paring naglilingkod sa bawat parokya sa buong daigdig.
Nagpapakita ang kanyang mga larawan ng isang may katandaan na pari, nakatiklop ang mga kamay sa aktong pagdarasal, at nakatingin sa langit. Mapapansin sa mukha niya ang malaking epekto ng kanyang mga dasal at sakripisyo dahil tadtad ito ng mga wrinkles. Subalit nag-uumapaw din ang kapayapaan at kabutihang nakaguhit sa kanyang mukha.
Nagmula sa Dardilly, sa Lyons, France si San Juan Vianney. Isinilang siya noong taong 1786 sa isang napaka-relihiyoso ngunit simpleng pamilya na nakatira sa bukid. Lumaki siya sa panahon ng matinding galit ng mga nasa kapangyarihan sa mga pari at mga madre sa kaniyang bansa.
Napakaraming mga pari at madre ang nagdusa, ang iba ay pinalayas ng bansa at ang iba ay pinatay ng mga rebolusyonaryo. Maraming mga simbahan ang isinara. Pasikreto lamang nakatutupad ng tungkulin ang maraming mga pari na dumadalaw sa kanilang mga nasasakupan pagkagat ng dilim.
Sa kabila nito, may nakatagpo na isang banal na pari si Juan at ito ang naging malaking impluwensya upang naisin niyang maging pari. Habang naghahanda siya sa buhay na ito, napansin ang hirap na pinagdaanan niya sa kanyang pag-aaral.
Hindi masyadong matalino ang ating santo pero masipag naman siya para maunawaan at makapasa sa kanyang mga leksyon sa araw-araw. Isang biro lagi sa seminaryo ang sinasabing pagbagsak ni San Juan sa kanyang klase sa Latin. Kaya ang mga seminaristang palpak sa Latin ay sumusunod lamang daw sa halimbawa ng isang magiting na santo.
Noong 1815, naging pari si San Juan Vianney at ibinigay sa kanya bilang unang tungkulin ang parokya sa nayon ng Ars. Malamig na ang puso ng mga tao sa pananampalataya sa lugar na ito bunga ng epekto ng rebolusyon at ng naiwan nitong sentimento ng anti-clericalism at secularism. Subalit ibinuhos niya ang kanyang pagmamahal sa mga tao.
Masigasig siyang nagmisa at nangaral. Nasaksihan ng lahat ang kanyang mga panalangin at mga sakripisyo para sa kanyang mga parishioners. Maraming mga kawang-gawa ang kanyang sinimulan tulad ng ampunan para sa mga bata. Tinuruan niya ang mga tao ng katesismo.
Maraming himala ang napabalita tungkol sa kanyang pagiging malapit sa Mahal na Birhen at sa mga santo. Napansin din ng mga tao ang mga pasakit at panggugulo na ginawa sa kanya ng demonyo na tumagal ng 34 taon. Maraming mga tsismis ang ikinalat ng kanyang mga kaaway laban sa kanya. Maging ang mga kapwa pari niya ang naging sanhi ng pagtuligsa sa kanya.
Higit sa lahat, napabalita ang kanyang mapaghimalang galing sa pagpapakumpisal. Tila nababasa niya ang laman ng puso at isip ng isang tao kaya mas natulungan niya ang mga ito sa pagbabalik-loob at pagbabagong-buhay. Nagmula sa malalayong lugar ang mga taong nagnais pumila upang makapagkumpisal sa kanya. Halos labing-anim na oras siyang nagpapakumpisal bawat araw.
Nagtagumpay siya sa lahat ng ito sa tulong ng kanyang mabuti at mapagmahal na puso. Ang kanyang kabaitan ang namayani sa lahat ng sandali. Natamo niya ang kabanalan sa gitna ng maraming mga pagsubok.
Namatay si San Juan noong Agosto 4, 1859 at ipinahayag na santo noong Mayo 31, 1925.
B. HAMON SA BUHAY
Bawat tao ay kasapi ng isang parokya at nasa pangangalaga ng isang kura-paroko. Kalimitan ang mga kura-paroko ay hindi nakararanas ng pagmamahal ng mga taong pinaglilingkuran nila. Mas madali kasi ang pagbatikos, pagpuna, pagpintas, at paninira sa ating mga pari kaysa ang pagpapadama sa kanila ng paggalang, pakikiisa, at pagmamahal bilang ama ng pamayanan. Sikapin nating ipagdasal lagi ang ating mga pari at ipakita sa kanila ang ating suporta, kahit sa gitna ng marami nilang kahinaan at kakulangan.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 9:36
Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol.
From the book “Isang Sulyap sa Mga Santo” by Fr. RMarcos
1 Comments