SAINTS OF AUGUST: Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan ng Mahal na Birheng Maria sa Roma
AGOSTO 5
A. KUWENTO NG BUHAY
Hindi santo ang may kapistahan ngayon kundi isang simbahan sa Roma na nagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag. Ito ang Palasyong Simbahan ng Mahal na Birhen o Basilica of St. Mary Major sa Ingles at Santa Maria Maggiore naman sa Italyano.
Isa ito sa apat na Major Basilica sa lungsod ng Roma o mga pinakamahalagang simbahan sa sentro ng simbahang Katoliko. Ang tatlong pang simbahan na kasama nito ay ang St. Peter’s Basilica kung saan naroon ang libingan ni San Pedro Apostol, ang Basilica of St. John Lateran na siyang Katedral ng obispo ng Roma (Santo Papa), at Basilica of St. Paul Outside-the-Walls na siya namang libingan ni San Pablo Apostol.
Nang matapos ang Council of Ephesus noong 431, pinagtibay ng buong simbahan ang titulo ng Mahal na Birheng Maria bilang Theotokos o Ina ng Diyos (dahil ang kanyang Anak na si Jesus ay tunay na Diyos at hindi isang ordinaryong tao lamang). Natalo ang mungkahi ng ilan sa simbahan na tawagin lamang si Maria bilang Ina ni Kristo. Si Jesus ay tunay na Diyos at tunay na tao, kaya ang kanyang Ina ay maaaring tawaging Ina ng Diyos.
Upang ipagdiwang ang okasyong ito, nagpasya ang Santo Papa sa Roma, si Sixto III, na magpatayo ng isang malaking simbahan sa Roma sa itaas ng isang burol. Ito ang unang simbahan na inialay sa karangalan ng Mahal na Ina ng Diyos.
Isang alamat ang nagpadagdag ng debosyon ng mga tao sa simbahang ito. Sinasabi na nagpakita ang Mahal na Birhen upang ituro kung saan dapat itayo ang simbahan. Kahit noon ay hindi naman winter, nabalutan ng yelo o snow ang buong paligid kung saan ninais ng Mahal na Birhen na magkaroon ng nasabing gusali sa buong magdamag ng Agosto 5 hanggang Agosto 6. Dito nagmula ang isang titulo ng Mahal na Birhen bilang Our Lady of the Snows.
Kung pupunta kayo sa simbahang ito ngayon ay may isang kapilya na sinasabing lugar kung saan nakalagak ang “sabsaban” ng Betlehem kung saan inihiga ang bagong silang na Anak ng Diyos. Maraming mga deboto ang nagdarasal dito upang parangalan ang malaking misteryo ng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos na si Jesus.
Matatagpuan din dito ang isang lumang larawan ng Mahal na Birhen na tinatawag na “Salus Populi Romani” o Kaligtasan ng Bayang Romano. Malapit sa mga tunay na tubong-Roma ang larawang ito ni Maria.
Ang simbahang ito ang pinakamatandang simbahan sa Kanluran na nakatalaga sa karangalan ng Mahal na Birhen. Sinimulang ipagdiwang noong 1568 sa kalendaryo ng mga santo ang araw na ito.
B. HAMON SA BUHAY
Mahalaga sa pang-unawa ng mga Katoliko na si Maria ay kasangkapan ng Diyos upang tayo ay lalong mapalapit kay Jesus na kanyang Anak. Hindi sinasamba si Maria bilang Diyos kundi nilalapitan bilang Ina ng Diyos at Ina nating lahat. Dahil sa kanyang pusong ina, madali niya tayong maunawaan at magabayan tungo sa paglago ng pananampalataya. Buong puso nating isabuhay ang ating pagmamahal kay Maria at ang ating paghingi ng kanyang tulong araw-araw.
K. KATAGA NG BUHAY
Lc 11:27-28
Habang nagsasalita pa siya, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito.”
From the book “Isang Sulyap sa Mga Santo” by Fr. RMarcos
1 Comments