SAINTS OF AUGUST: Santa Teresa Benedicta dela Cruz (Dalaga at Martir)
AGOSTO 9
A. KUWENTO NG BUHAY
Kakaiba ang kuwento ng buhay ng santa sa araw na ito. Ipinanganak siyang hudyo na nanlamig sa kanyang relihiyon, na nag-alab muli nang maging Katoliko at naging Carmelite na mongha hanggang humantong sa pagiging martir dahil pa rin sa kaniyang dugong Hudyo. Malapit ang kanyang kasaysayan sa ating modernong panahon dahil namatay siya nito lamang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Isinilang sa Poland noong 1891 sa tanyag na pamilya Stein si Santa Teresa. Pinangalanan siya noon bilang Edith Stein. Bunso siya sa isang malaking pamilya. Kahit mabuting pamilyang Hudyo ang kanyang pinagmulan, nawalan ng interes si Edith sa kanyang relihiyon noong siya ay labing-apat na taong gulang pa lamang.
Sa kanyang paglaki, ipinakita niya ang kanyang katalinuhan sa pamamagitan ng pagpasok sa mundo ng Pilosopiya. Pinagaralan niya ang sangay ng pag-aaral nito na tinatawag na Phenomenology noong siya ay nasa University of Gottingen.
Sinundan niya ang mga yapak ng kanyang guro na si Edmund Husserl, isang batikang philosopher. Natapos niya ang kanyang doctorate degree at nagsimula sa buhay ng pagtuturo sa Germany. Noong panahong iyon ay lumalaganap ang Nazismo sa bansang ito.
Dahil sa pagbabasa niya ng talambuhay ni Santa Teresa ng Avila, nabuksan ang puso ni Edith sa isang ispirituwal na paglalakbay hanggang maging isa siyang Katoliko noong 1922. Lalong lumalim ang kanyang pananampalataya noong pumasok siya sa monasteryo ng mga Carmelites kung saan tinanggap niya ang bagong pangalan—Sister Teresa Benedicta dela Cruz.
Lumala ang sitwasyon sa Germany para sa maraming residenteng Hudyo sa bansa dahil sa masidhing poot ng mga Nazis. Unang nanirahan si Santa Teresa sa monasteryo ng Cologne (1934-1938) subalit inilipat siya sa Netherlands upang makaligtas sa pag-uusig sa mga Hudyo.
Noong 1940, bumagsak ang Netherlands sa kamay ng mga Nazis. Nang umalma ang mga obispong Katoliko sa pagmamalabis ng mga Nazis, nagalit ang mga Nazis at dinakip ang mga Hudyo sa buong bansa pati na rin ang mga Hudyo na naging mga Katoliko na.
Kasama ni Santa Teresa ang kanyang kapatid na si Rosa, na naging Katoliko rin, nang dakpin sila mula sa monasteryo at ipadala sa Auschwitz. Limampu’t isang taong gulang si Santa Teresa nang mamatay siya sa gas chamber noong August 9, 1942 kapiling ang napakaraming Hudyo na naging target ng galit ni Hitler at mga kasama nito.
Noong 1998, itinanghal siyang santa ng simbahan. Isa siyang halimbawa ng himala ng kabanalan ng Diyos na umusbong sa gitna ng karahasan ng giyera.
Una kong nalaman ang tungkol kay Santa Teresa sa pamamagitan ng isang kaibigang nakilala ko sa loob ng isang bus. Henry Yao ang pangalan ng kaibigan kong ito na naging pari. May debosyon siya kay Santa Teresa at binigyan niya ako ng isang drawing ng mukha ng santa.
Maraming mga isinulat si Santa Teresa na nakasalin na sa wikang Ingles. At bagamat naging Katoliko siya, hindi niya kinalimutang bigyang-halaga ang relihiyon na kanyang pinagmulan, ang Hudaismo.
B. HAMON SA BUHAY
Hindi natin minsan maintindihan kung bakit dapat tayong magpatawad at magmahal sa gitna ng kasamaang dinaranas natin. Subalit ang halimbawa ni Santa Teresa ang nagpapakita na ito lamang ang tanging paraan upang tuluyang masira ang kapangyarihan ng masama sa ating mundo. Hilingin natin na tulad ni Santa Teresa, patuloy tayong sumunod kay Kristong mapagmahal at maawain sa kabila ng mapapait nating karanasan sa buhay.
K. KATAGA NG BUHAY
Pahayag 7:17
Sapagkat papastulin sila ng korderong nasa gitna ng trono at aakayin sa mga bukal ng nagbibigay-buhay na tubig, at papahiran ng Diyos ang lahat ng luha sa kanilang mga mata.
From the book “Isang Sulyap sa Mga Santo” by Fr. RMarcos
1 Comments