ANO ANG BANAL NA MISA? PART 18: ANG APAT NA PANALANGING EUKARISTIKO
Ngayon ay may apat na maaaring pagpiliang Panalanging Eukaristiko sa Misa, na siyang naglalaman ng bahagi ng Misa kung saan ang tinapay at alak ay nagiging Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo sa pag-alala sa kanyang Huling Hapunan.
Ang Unang Panalanging Eukaristiko ay ang pinakamatanda at nakabatay sa lumang Roman Canon, na mula pa sa 4th century at naisulat sa wikang Latin. Nanatiling nag-iisa ito bilang canon o Panalanging Eukaristiko ng ating simbahan Katoliko sa Kanluran sa halos 1,500 taon. Tahimik lamang itong dinadasal ng pari. May taglay itong kagandahan, kasimplehan, karangalan, at katatagang dulot ng kasaysayan. May aura ng hiwaga at banal na takot sa Diyos na tila dumadaloy dito.
Ang Ikalawang Panalangin Eukaristiko ay hango mula sa pinakamatandang Panalanging Eukaristiko, iyong isinulat ni Hipolito ng Roma. Pinayaman ito ng Santo, Santo, Santo na dati ay hindi bahagi nito, at ng pagtawag sa Espiritu Santo bago ang konsegrasyon. Matapos makalimutan nang halos 1500 taon, muling lumitaw ang panalanging ito sa liturhiyang Romano at tila muling nanariwa. Ito ang pinakamaigsing Panalanging Eukaristiko, at walang sinasayang na salita, walang paulit-ulit na pangungusap; huwaran ito ng kalinawan at katuwiran at gayundin ng kababaang-loob.
Ang Ikatlong Panalanging Eukaristiko naman ay isinaayos mula sa panulat ng naatasang konsilyo ng liturhiya bilang isa pang mapagpipiliang panalangin. Dahil ito ay bago, makikita dito ang malinaw na balangkas na siyang masasabing angkop para sa isang Panalanging Eukaristiko. Maayos at maganda ang teolohiya nito; binibigyang-diin ang gampanin ng Espiritu Santo; ipinakikilala ang aspekto ng Misa bilang sakripisyo; at pinagtitibay ang kagandahan ng pakikiisa ng lahat sa pag-aalay ni Kristo.
Ang Ika-apat na Panalanging Eukaristiko naman ay halaw sa inspirasyong nagmumula sa mga panalanging ng Silangan, lalo na kay San Basilio. Makikita ang kagandahan nito sa unang bahagi, mula Prepasyo hanggang sa pagtawag sa Espiritu Santo. Ipinagdiriwang dito ang Diyos na Manlilikha, ang kanyang kabanalan, ang kanyang plano ng pagliligtas mula kay Adan tungo kay Hesus at sa kanyang kamatayan at Muling Pagkabuhay. Isa itong awit ng kagalakan na nag-uugnay sa walang hanggang Diyos sa kaligtasang kaloob niya sa sangkatauhan bilang awit ng pagmamahal.
ourparishpriest 2023