Home » Blog » IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

MAYROON DING PARA SA IYO!

MT. 16: 13-20

MENSAHE:

Dahil mabubuting Katoliko tayo, karamihan sa mga pagninilay ngayong Linggo ay tutuon kay San Pedro, sa kanyang pagpapahayag ng pananampalataya, at sa kaloob at atas ni Hesus sa kanya bilang unang Santo Papa sa kasaysayan. At totoo naman, ang mga salita ni Pedro ay kahanga-hangang totoo at makapangyarihan: “Ikaw ang Kristo… Ikaw ang Mesiyas… Ikaw ang Anak ng Diyos!” Sino ba naman ang hindi hahanga sa karunungan at paninindigang ito? Wala si Pedro noong binyagan sa Jordan si Hesus kung saan nagsalita din ang Ama tungkol sa pagkatao ng Anak niya. At hindi pa nagaganap sa panahong ito ang tagpo ng Pagbabagong-anyo ng Panginoon, kaya talagang walang pagkukunan ng ganito kalalim na impormasyon si Pedro. Kaya nilinaw ng Panginoon na hindi sa tao kundi sa Ama nagmula ang sinabi ni Pedro. Subalit huwag nating kalilimutang ang Mabuting Balita ngayon ay hindi lamang para kay Pedro, hindi lamang para sa Santo Papa. Ang salaysay na ito ay para sa bawat Kristiyanong naglalagay ng tiwala at pag-asa kay Hesus sa gitna ng mga hamon at pagsubok ng buhay. Bawat umaga, gumigising din tayo na nagsasabi sa ating puso: “Ikaw ang aking Mesiyas… ang aking Tagapagligtas… ang aking Kaibigan… ang aking pag-asa at lakas!” Natural na minsan may pagtatanong at pag-aalinlangan sa ating isip kapag nagiging mahirap ang pinagdadaanan, at hindi masamang magtanong o magduda dahil bahagi ito ng buhay. Sa kabila nito, sa kaibuturan ng puso ay alam nating ang Diyos ay hindi nagpapabaya; na iniwan niya maging ang maginhawang katayuan niya sa langit upang makapiling tayo sa lupa, at tiyakin na laan sa atin ang kanyang pakikipag-kaibigan, pakikipag-lakbay, pagpapatawad, at pagmamahal. Ang pakiramdam na ito, ang kaisipan at pananalig na ito ay mula sa Ama na laging nangungusap sa ating puso tulad nang nauna niyang ginawa kay Pedro, sa mga alagad, at sa mga Kristiyanong nauna pa sa atin.

MAGNILAY:

Kung tila nalulunod ka na sa mga pagsubok, suliranin, at alalahanin sa buhay, ugaliin mong ipahayag ang iyong sariling pananampalataya kay Hesus. Sabihin mo sa kanyang nagtitiwala ka sa kanya, kailangan mo siya, nananampalataya ka sa kanya, at susundan mo siya. Ang pananampalatayang ito kay Hesus, bagamat simple, ay kaloob ng Ama sa langit na laging nagpapaulan ng katiyakan at inspirasyon sa kanyang mga anak.

ourparishpriest 2023