Home » Blog » ANO ANG BANAL NA MISA? PART 22: EPIKLESIS O PAGTAWAG SA ESPIRITU SANTO

ANO ANG BANAL NA MISA? PART 22: EPIKLESIS O PAGTAWAG SA ESPIRITU SANTO

Ang kahulugan ng salitang epiklesis (o pagtawag sa Espiritu Santo) ay pagsamo/ pagtawag/ paanyaya. Dito kasi, tinatawagan ang Espiritu Santo na bumaba sa mga handog upang gawin ang mga ito na “Katawan at Dugo ng aming Panginoong Hesukristo.” Ito rin ay pagsamo sa Espiritu Santo na bumaba sa sambayanan upang makabahagi sila ng kaloob ng Eukaristiya, upang sila’y “mabuklod sa pagkakaisa sa pamamagitan ng Espiritu Santo.”

Ang unang epiklesis ay tumutukoy sa Konsegrasyon, kung saan ang tinapay at alak ay mahiwagang magbabago sa Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo, isang misteryo ng pananampalataya. Ang ikalawang epiklesis naman ay tumutukoy sa pagkakaisa ng bayan ng Diyos.

Ang epiklesis ay inilagay sa unahan ng salaysay ng Huling Hapunan upang ipakilala ang natatanging gampanin ng Espiritu Santo, ang kanyang kapangyarihang kumikilos upang maganap ang dakilang pagbabago ng mga handog sa altar.