ANO ANG BANAL NA MISA? PART 31: ANG PAGKO-KOMUNYON / ANG AMA NAMIN
Dalawang tradisyon ang pinagkuhanan ng panalanging Ama Namin, ang kay Mateo (6: 9-13) at kay Lukas (11:2-4). Sa Misa, ginagamit ang bersyon ni Mateo na hinahati sa pitong kahilingan, tatlong “makalangit” at apat na “makalupa.”
Ang mga “makalangit” na kahilingan ay may kinalaman mismo sa Diyos, sa kanyang ngalan, Kaharian at kalooban:
Sambahin ang Ngalan mo.
Mapasaamin ang Kaharian mo.
Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.
Ang mga “makalupa” na kahilingan ay tumutukoy sa sangkatauhan:
Bigyan mo kami ng aming kakanin sa araw-araw.
Patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad sa nagkasala sa amin.
Huwag mo kaming ipahintulot sa tukso.
Iadya mo kami sa lahat ng masama.
Ang bersyong ito ni Mateo ay may mga dagdag sa teksto at nagpapakita ng espiritu ng mensahe higit sa mga kataga nito. Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesukristo na tawagin ang Diyos na “Ama,” isang tawag ng pagsuyo, hindi amo o pinuno, kundi ama! (Mk 14;36; Mt 23: 9). Ang pagtawag sa Ama ang siyang diwa ng lahat ng panalangin ng isang Kristiyano. Ang Misa ay papuri ng mga anak sa Amang nasa langit.
Mababasa ang unang paggamit ng Ama Namin sa Misa sa mga sulat ni San Ambrosio (1397). Maaaring ito ay bunsod ng paghingi ng kakainin sa araw-araw at unti-unti ay humantong sa paghingi ng makalangit na “manna” o tinapay/ pagkain. Humihingi tayo ng pagkain; nagbibigay naman ang Diyos ng kanyang Espiritu (Lk 11: 13).