IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
OO o HINDI?
MT. 21, 28-32
MENSAHE:
Ang talinghagang ito ng dalawang anak ay tagapagpa-alala sa atin ng hamon sa pagsunod o pagtalima. Bawat isa sa kanila ay sumasagisag sa ating tugon: ang unang anak na sumunod, pero matapos lamang na makapag-isip siyang mabuti, at ang ikalawang anak na hindi sumunod kahit na nagkunwari na nais niyang tumalima sa ama agad-agad. Subalit ang Mabuting Balita ay hindi upang ituro natin ang mga taong sa tingin natin ay sumusunod o hindi sa utos ng Diyos. Sa katunayan, ang magkataliwas na pananaw ng magkapatid ay matatagpuang sabay sa mismong mga puso natin. May mga bahagi ng buhay natin na madaling sumunod sa kalooban ng Panginoon at may mga bahagi din na mas madaling sundin ang sarili natin. May mga plano tayo na malinaw na tumatahak sa landas ng Diyos at mga plano naman na ayaw nating ikonsulta o isuko sa kanya. May mga panahong tila mas kaya nating sang-ayunan ang Diyos at may mga oras na mas gusto nating mangibabaw ang ating kagustuhan. Ang ganap na pagsunod ay hindi po madaling gawin. Ang Panginoong Hesukristo lamang ang maningning na halimbawa nito, bagamat siya din ay dumaan sa mga pagsubok. Dito pumapasok ang pangangailangan natin sa “pagkilatis” o “discernment.” Binibigyan tayo ng Diyos ng layang pumili, subalit kailangang piliin natin ang tunay at hindi ang huwad lamang. Si Santa Teresita ng Batang Hesus, kilala sa pagiging simple at mababang-loob, ay dumaan din sa tukso ng pagpili sa kalooban ng Diyos o pagsasagawa ng sarili niyang naisin. Sa huli, makikita natin sa buhay niya na kung talagang nais nating isuko ang puso sa Panginoon, pagkakalooban tayo ng biyaya na gampanan ang lahat sa diwa ng pagtalima at pagtitiwala sa Panginoon.
MAGNILAY:
Mayroon bang isang bagay na sa palagay mo hinihingi ng Diyos na gawin mo bagamat hindi madali, at ikaw ay atubili kung susunod ba o hindi? Hanggang saan mo kayang sundin ang Panginoon? Tumatalima ka ba sa Panginoon dahil sa takot na maparusahan niya o dahil ito ang iyong pagpapahayag ng pagmamahal at paggalang sa kanya bilang Ama? Ourparishpriest 2023