SAINTS OF SEPTEMBER: SAN LORENZO RUIZ AT MGA KASAMA, MGA MARTIR
SETYEMBRE 28
A. KUWENTO NG BUHAY
Tandang-tanda ko pa noong 1987 ang walang pagsidlang kagalakan ng buong bansa dahil sa kanonisasyon ni San Lorenzo Ruiz at mga kasamang martir. Dahil siya ang kauna-unahang santo mula sa lahing Pilipino, tunay na naging simbolo siya ng ating bansa at ng ating pananampalataya. Isang malaking biyaya ang pagkakaloob ng Diyos ng unang santo sa Pilipinas sa katauhan ni San Lorenzo Ruiz de Manila.
Napakadaling balikan ang buhay ni San Lorenzo Ruiz dahil hanggang ngayon ay may mga bakas pa ng panahon kung kailan siya ay nabuhay. Mga bandang taong 1600 nang isilang siya sa Binondo sa Maynila. Si Lorenzo ay isang mestizo dahil ang kanyang ama ay dugong Chinese at ang kanyang ina ay isang Tagala. Ang Binondo ay kilalang lugar noon ng mga Chinese sa siyudad at ganito pa rin ito hanggang ngayon.
Naging isang sakristan sa simbahan ng Binondo si Lorenzo sa kanyang kabataan. Nang lumaki siya ay nagtrabaho siya sa parokyang ito bilang isang sekretaryo ng parokya dahil mahusay at magandang pagmasdan ang kanyang pagsusulat.
Sinasabing nag-asawa si Lorenzo at nagkaroon ng dalawang anak na lalaki at isang anak na babae. Nakakatuwang isipin na ang unang santo ng Pilipinas ay mula sa hanay ng may pamilya. Naging mabuting asawa at ama si Lorenzo sa kanyang mag-anak.
Isang insidente ang naging dahilan ng pag-alis ni Lorenzo sa bansa. Dahil napagbintangan siyang pumatay ng isang tao, sinikap niyang tumakas sa mga taong dadakip sa kanya. Iniligtas siya ng mga paring Dominikano sa pagsama sa kanya sa barko na noon ay papaalis patungong Japan.
Ang mga pari at iba pang mga kasama ay papunta sa Japan noong bilang mga misyonero. Pagdating sa Japan, na noon ay bantog sa marahas na pag-uusig sa mga Kristiyano, nadakip si Lorenzo at ang mga kasama niya.
Dumaan sa mahirap na torture habang nasa bilangguan si Lorenzo. Naging matatag lamang siya dahil sa tulong-tulong na paghikayat ng mga magkakasamang Kristiyano upang lumakas ang kanilang loob. Nahatulan ng kamatayan si Lorenzo at 15 kasamang martir mula sa Spain, Italy, France, at Japan – magkahalong mga misyonero at mga lokal na Hapones na Katoliko.
Ibinitin si Lorenzo patiwarik sa isang balon. Binigyan din siya ng pagkakataong itakwil ang kanyang pananampalataya upang makaligtas at mabuhay. Nakarating sa atin ang salaysay ng isang saksi sa mga salita ni Lorenzo:
“Ako ay Katoliko at buong puso kong tinatanggap ang kamatayan para sa Diyos. kung mayroon akong isang libong buhay, iaalay ko lahat ito para sa Kanya.”
Kasamang namatay ni Lorenzo ang 2 layko, 2 brothers, 9 na paring Dominikano, at 2 dalaga o birhen. Naganap ito sa Nagasaki noong 1637.
Ang beatification ni (Blessed) Lorenzo at mga kasama ay ginanap ni Pope John Paul II sa kanyang pagdalawa sa Pilipinas noong 1981, ang kauna-unahang beatification sa labas ng Roma. Ang canonization naman ni (San) Lorenzo ay noong Oktubre 1987 sa Vatican City, sa Roma.
Si San Lorenzo ang patron saint nating mga Pilipino at mabuting huwaran ng mga asawa at ama ng tahanan.
Narito ang isa sa mga awiting nabuo dahil sa okasyon ng pagkahirang kay San Lorenzo bilang Unang Pilipinong Santo ng simbahang Katoliko:
LORENZO RUIZ, MARTIR
1. Ang Bayang Pilipino, ngayon ay nagsasaya
Isang sugo sa langit, tayo ay mayroon na.
Salamat sa Maykapal, sa banal na biyaya
Tinanghal ng daigdig, kayumangging dakila.
Refrain:
Purihin ka Lorenzo at iyong mga kasama
Alagad ng Maykapal, sagisag ng pag-asa
Sa Rosaryo ng Birhen, kami’y iyong kasama
Iyo ang aming puso, Lorenzo de Manila.
2. Ipagbunyi din natin, mga kasamang martir
Sa lupa at sa langit, sila ay dadakilain.
Salamat sa Maykapal, sa banal na biyaya
Tinanghal ng daigdig, kayumangging dakila.
(Repeat Refrain)
FINALE: Iyo ang aming puso, Lorenzo de Manila.
B. HAMON SA BUHAY
Nawa’y maipagmalaki natin ang ating sarili bilang mga Pilipinong Katoliko. Nananalaytay sa ating mga ugat ang dugo ng magiting na martir sa langit na mula sa ating lahi. Magkaroon sana tayo ng debosyon sa ating Pilipinong santo! Masundan nawa natin ang kanyang halimbawa ng pagiging tapat sa Diyos at sa simbahan.
K. KATAGA NG BUHAY
Salmo 95:3-4
Sapagkat ang Panginoon ay dakilang Diyos, ang Haring dakila sa lahat ng mga Diyos. Nasa kamay niya ang kalaliman ng lupa, sa kanya ang kataasan ng mga bundok. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)
2 Comments