Home » Blog » PITONG MAGKAKAPATID NA MARTIR: ang Löb family ng Netherlands

PITONG MAGKAKAPATID NA MARTIR: ang Löb family ng Netherlands

Isang pamilya sa Netherlands ang kinikilala dahil sa kakaibang naging daloy ng kanilang buhay pananampalataya. Si Ludwig at Jenny Löb (ang bigkas ay “leb”) ay mga Hudyo na nagpabinyag bilang mga Katoliko bago sila ikinasal noong 1906. Si Ludwig ay nakilala sa kanyang banal na pamumuhay at si Jenny sa kanyang pagkamagiliw at kabutihan. Nagkaroon sila ng walong anak at ng kakaibang karanasan bilang mga magulang dahil ang tatlo nilang anak na lalaki ay pumasok sa monastery ng mga Trappist sa Netherlands at ang tatlong anak na babae naman ay pumasok bilang mga mongha sa Trappistine monastery, una sa Belgium at nalipat kalaunan sa Netherlands din.

Ang mga magkakapatid na ito ay ang mga monghe na sina Father Ignatius, Father Nivardus, at Brother Linus. Ang mga mongha ay sina Mother Hedwig, Mother Theresia at Mother Veronica (sina Theresia at Veronica ay kambal). Dalawa pang kapatid, sina Hans Josef at Paula, ang naiwan sa bahay upang tulungan ang kanilang mga magulang. Namatay ang kanilang mga magulang na sina Ludwig at Jenny bago pa ang pag-usbong ng rehimen ng mga Nazi kaya hindi nila naranasan ang kalupitang dinanas ng kanilang mga anak.

Nang sinakop ng mga Nazi ang Netherlands noong Second World War, tumutol ang mga obispong Katoliko sa Netherlands sa pang-aalipusta laban sa mga Hudyo. Bilang ganti, ipinahuli ng mga Nazi ang mga Katoliko na mula sa dating mga pamilyang Hudyo. Halos 300 mga Hudyong naging Katoliko, kabilang ang mga pari, madre, layko ang inaresto at ikinulong.

Unang dinakip ang tatlong magkakapatid na mongha subalit sina Mother Hedwig at Mother Theresia lamang ang kinuha nila dahil maysakit na tuberculosis noon si Mother Veronica. Maari sana silang tumakas at magtago subalit tinanggap nila ang sakripisyong ito alang-alang sa Diyos at para sa conversion ng mga Hudyo sa Panginoong Hesukristo.

Pagkatapos ay dinakip naman ang makakapatid na monghe. Nakiusap muna sina Fr. Ignatius at Fr. Nivardus na magdiwang ng Misa habang naglingkod sa kanila si Bro. Linus. Naisip ni Bro. Linus na tumakas subalit nagbago ang kanyang pasya. Sinabi ng mga Nazi na kapag hindi sumama ang magkakapatid, sampung monghe ang babarilin sa oras na iyon.

Pinagsama-sama ang mga Katolikong Hudyo sa isang kampo kung saan nakitang patuloy na naging inspirasyon ang limang magkakapatid sa kanilang pananalanging, pagkalinga sa kapwa at pag-aaruga sa mga mahihina. Sa kampo, nakasama nila si Edith Stein na ngayon ay kilala bilang ang santang-martir na si Santa Teresa Benedicta ng Krus, isang monghang Carmelite.

Inilipat sila sa Auschwitz sa Poland kung saan sina Fr. Ignatius at Fr. Nivardus ay hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril ng firing squad, dahil daw nahuli silang nagpapakumpisal sa mga bihag doon. Tulad ni Edith Stein, ang dalawang mongha sina Mother Hedwig at Mother Theresia at si Bro. Linus ay namatay din sa loob ng kampong ito.

Samantala, si Mother Veronica ay binalikan ng mga Nazi sa monastery at dinakip subalit pinalaya din dahil sa kanyang karamdaman. Nagpapalit-palit siya ng ospital hanggang bawian ng buhay sa loob ng monasteryo.

Si Hans na bunsong kapatid na lalaki ay dinakip din at dumanas ng forced labor sa Poland. Sa sobrang lamig, nanigas at nagyelo ang kanyang mga paa at namatay dahil sa hirap na dinanas.

Ang bunsong babae na si Paula lamang ang tanging nakaligtas dahil itinago siya ng isang mabuting Katolikong pamilya hanggang matapos ang digmaan. Nakapag-asawa siya at nagkaroon ng pamilya.

Kaya nga, bunga ng mga banal at mabubuting magulang, anim na anak ang nag-alay ng buhay sa paglilingkod sa Panginoon; pito sa kanila ang namatay na martir alang-alang sa pananampalataya. Ang proseso para sa pagkilala sa kabanalan ng pamilyang ito ay sinisimulan na.

Magnilay:

Ipanalangin natin ang ating mga pamilya upang maging bukal ng inspirasyon sa pagiging mabubuting Kristiyano at saksi ni Kristo sa daigdig na ito.

ourparishpriest 2023