IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
MAKIPIGING SA PANGINOON
MT. 22: 1-14
MENSAHE:
Magkakaiba ang kaisipan ng mga relihyon tungkol sa minimithi nating hantungan ng ating buhay, o iyong “langit” o “Kaharian ng Diyos.” Sa mga Muslim, isa itong Paraiso na puno ng gantimpala sa mga matapat na tagasunod. Minsan may maling turo ang ilang radikal na Muslim na ang langit ay lugar ng makalamang sarap at paglilibang. Para sa mga Buddhist naman, walang tahasang turo tungkol sa langit, at pinakamalapit na ay iyong kalagayang tinatawag na “Nirvana,” kung saan wala nang makamundong pagnanasa at kung saan namamayani lang ang kapayapaan, kalinisan, at katotohanan.
Sa Mabuting Balita ngayon, isinasalarawan ng Panginoong Hesukristo ang Kaharian ng Diyos sa isang piging, handaan, kasalan – sa madaling sabi, pagdiriwang. Kaya hindi tungkol sa gantimpala o pagpapasarap kundi Kaharian ng masayang pagbabahaginan, buhay na presensya, at pagiging bahagi o kabilang sa pamilya. Lahat ay nagsisimula sa Diyos, na umaapaw sa bukas-loob na paanyayang dumalo at makisaya sa kanya. Sabi ni San Ignacio de Loyola, ang tanging larawan ng Diyos ay Siya na walang sawa at masaganang nagbibigay. Ang pagnanais niyang makasama ang mga tao sa Kaharian ay lubhang matindi kaya lumalago at umaapaw – una sa mga piling panauhin lang, at pagkatapos, pati sa mga tambay at sinumang nasa lansangan. Sinasabi ng Panginoong Hesukristo na tinatawag tayo ng Ama sa kabanalan, isang landas hindi para sa mga perpekto kundi para sa lahat. Isang tawag tungo sa personal, malalim, at buhay na pakikipag-ugnayan sa kanya; kaya nga pinakamaiging larawan nito ay handaan, kung saan may malayang pag-uusap, masayang pagkakapisan at masaganang paanyaya para sa lahat. At dahil sa ganitong katapatan at pagbubukas-loob sa parte ng Diyos, madaling maunawaan kung bakit nasasaktan ang Diyos kung tinatanggihan ng mga tao ang lubhang napakadakilang pagkakataong ito na inihahandog niya upang makapiling natin siya.
MAGNILAY:
Seryoso mo bang tinatanggap ang paanyaya ng Diyos na makipag-ugnayan sa kanya nang personal? Sa iyong isip, ang Diyos ba ay isang bukas-palad at mapagbigay na Panginoon? Kung hindi pa ganito, patuloy na dasalin ang Mabuting Balita at hingin ang biyayang unti-unting mapawi ang iyong pag-aatubili o pagtanggi na pumasok sa piging ng Panginoon. Ihanda ang puso sa pagdalo sa Misa, ang piging kung saan nalalasap na natin ang Kaharian ng langit ngayon. Ourparishpriest 2023