Home » Blog » BLESSED JOSEPH AND VICTORIA ULMA AT MGA ANAK: UNANG SABAY NA BEATIFICATION NG ISANG BUONG PAMILYA

BLESSED JOSEPH AND VICTORIA ULMA AT MGA ANAK: UNANG SABAY NA BEATIFICATION NG ISANG BUONG PAMILYA

Kapistahan: Hulyo 7

Setyembre 10, 2023 nang maganap ang makasaysayang beatification sa simbahan. Ang buong pamilya ng mga Ulma ng Markowa, Poland ay itinanghal bilang mga “Blessed” (isang hakbang na lang patungo sa pagiging “Saint” o mga santo) nang sabay-sabay.

Sina Joseph at Victoria Ulma at ang kanilang pitong maliliit pang mga anak (ang bunso ay nasa sinapupunan pa ng ina) ay naghandog ng buhay sa Panginoon at sa kapwa noong sila ay pagbabarilin ng mga Nazi noong World War II sa kanilang tahanan noong Marso 24, 1944. Ang kanilang kasalanan? Itinago nila ang isang grupo ng mga kaibigan nilang Hudyo sa kanilang tahanan upang ipagsanggalang ang mga ito sa mga Nazi na nais dumakip sa kanila. Ang walong Hudyo ay unang pinagpapatay ng mga sundalo bago ang pagpaslang sa pamilya.

Noong panahon na tinutugis ang mga Hudyo sa Poland, marami sa kanila ang humingi ng tulong sa kanilang mga kapitabahay na mga Kristiyano. Ang ilan ay tumanggi dahil sa takot sa paghihiganti ng mga Nazi, samantalang marami din sa Markowa ang pumayag na itago sila. Isa sa mga pamilyang ito ay ang simpleng Ulma family na malugod na pinatuloy ang kanilang mga Hudyong kaibigan sa payak nilang tahanan.

Sina Joseph at Victoria ay humugot ng inspirasyon sa kanilang pananampalatayang Katoliko sa kabila ng malaking panganib sa kanilang buong pamilya. Sa kasamaang-palad, isa sa mga kapitbahay ang nagsumbong sa mga Nazi ng mga kaganapan sa pamilya Ulman.

Ipinamalas ng pamilya ang “kabanalan ng isang simpleng kapitbahay” sa kanyang kapwa-tao. Aktibo sa pagsasabuhay ng pananampalataya ang buong pamilya bilang kaugnay ng kanilang parokya. Makikita ding nagbabasa ng Bibliya ang mag-asawa at may mga salung-guhit pa nga ang ilang talata ng kanilang Bible lalo na ang talinghaga ng Mabuting Samaritano. Sila mismo ay naging Mabuting Samaritano alang-alang sa kanilang katapatan at pagmamahal sa Panginoong Hesukristo!

Matapos patayin ang mga magulang, binaril din ang mga bata na sina:

Stanisława, 7 taong gulang

Barbara, 6 taong gulang

Władysław, 5 taong gulang

Franciszek, 4 taong gulang

Antoni, 2, taong gulang

Maria, 1.5 taong gulang

at ang bunso na noon ay nasa tiyan pa ng ina at 8 buwan pa lamang sa pagbubuntis. Nang muling hukayin ang katawan ni Victoria, nakita na nag-labor pala ito noong bago siya mamatay, kaya’t nakalabas na ang ulo at dibdib ng sanggol. Hindi na ito nabigyan ng pangalan at ang kanyang binyag ay itinuturing na “baptism of desire” at “baptism of blood.”

Ito ang unang pagkakataon na ang isang sanggol na nasa loob ng sinapupunan ay tatanghalin bilang isang “Blessed” alinsunod sa turo ng simbahan na ang bawat tao, kahit sanggol (maging nasa tiyan ng ina), ay ganap na tao sa mata ng Diyos at ng lipunan.

Joseph and Victoria Ulma at mga anak, ipanalangin ninyo kami! Amen!

ourparishpriest 2023