ANG “WAKAS NG PANAHON” – PANANAW KATOLIKO
(Tanong-Sagot tungkol sa mga Huling Bagay/ Huling Araw/ o Wakas ng Panahon; panimulang mga aral sa Eschatology ng mga Katolikong Kristiyano)
ANO ANG “WAKAS” NA MAGAGANAP SA DAIGDIG?
May dalawang “wakas” na inaasahang magaganap ayon sa pananampalatayang Kristiyano: una, ang “wakas ng buhay ng bawat tao” at ikalawa, ang “wakas ng daigdig.” Sa wakas ng buhay ng isang tao, huhukuman ang kaluluwa matapos ang kamatayan ng tao (personal eschatology). Sa wakas ng daigdig, magaganap ang muling pagbabalik ni Kristo bilang siyang Hukom ng buong mundo (universal/ general eschatology). (tingnan din: 1 Cor 4:5/ 2 Cor 5:10/ Mat 12:36-37/ 2 Tim 4:1/ Pahayag 20:11-15)
ANO ANG “GITNANG PANAHON” SA PAGITAN NG ATING KAMATAYAN AT NG PAGKABUHAY NA MULI NG LAHAT NG YUMAO?
Bahagi ng doktrinang Katoliko ang wakas ng buhay ng bawat tao at ang pangkalahatang wakas ng panahon ng buong daigdig. Subalit sa pagitan ng dalawang pangyayaring ito, may “gitnang panahon” kung saan ang kaluluwa ng isang yumao ay maghihintay para sa pangkalahatang wakas ng panahon kung saan magaganap ang pagkabuhay ng lahat ng namatay na. Hindi binabanggit bilang naitatag na doktrina ang “gitnang panahong” ito ng paghihintay subalit ito ay nakapaloob sa ating mga panalangin sa oras ng kamatayan, sa paglilibing ng pumanaw, at sa mga debosyon ukol sa mga namayapa na.
NASAAN SI KRISTO SA WAKAS NG BUHAY AT SA WAKAS NG PANAHON?
Ang pagtalakay sa “wakas” ay hindi isang gawain ng panghuhula/ pagkakathang-isip sa isang kaganapang magaganap pa lamang o sa isang kaganapang lampas sa ating kasalukuyang kaalaman. Ang batayan ng “wakas” ay walang iba kundi ang ating tinatamasang karanasan ng kaloob ng Diyos sa katauhan ng ating Panginoong Hesukristo. Maraming mga nagtuturo tungkol sa “wakas” na puno ng katatakutan at sindak, ng pagkawasak at ng paghihiganti ng Diyos, ng pagkagunaw at pagguho ng lahat ng binuo ng kamay ng tao. Hindi ang mga iyan ang batayan ng wakas, kundi ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus. Si Hesus ang dapat maging batayan ng lahat ng may kinalaman sa mga huling araw, mga huling bagay at mga huling pangyayari. Lahat ng turo o haka-haka sa wakas na hindi kaugnay sa pananampalataya kay Kristo Hesus ay huwad at aksaya ng panahon.
Ang “wakas” ng buhay ng tao man o ng panahon ay hindi isang bagay o pangyayari, kundi ang Diyos mismo. Ang Diyos ang wakas, ang hantungan, ang destino ng lahat. Ang ipinangaral ni Hesus na darating na Kaharian ng Diyos ay walang iba kundi ang Diyos mismo na dumarating sa ating daigdig. Si Hesus, Anak ng Diyos, ang wakas ng lahat. Mauunawaan lamang ang mga “huling bagay” tulad ng kamatayan, paghuhukom, langit, impiyerno (death, judgement, heaven, hell) kaugnay ng aral, buhay at kapangyarihan ni Kristo.
Kaya ang inaasahang wakas ng panahon sa pananampalataya ng mga Hudyo ay masasabing naganap na sa pagdating ni Hesus, dahil kapiling na natin ang ating wakas. Ito ang kaibahan ng pananampalataya Kristiyano: may wakas na magaganap sa bawat tao at sa buong mundo, subalit nakaugat na din tayo sa wakas na iyan sa pamamagitan ng Pagkakatawang-tao ni Kristo, ang tunay na hantungan natin sa wakas ng panahon.
Si Hesus ang sukdulan at huling hantungan ng lahat, ng buong mundo man o ng bawat tao. Kaya siya ang pangunahin at tunay na hukom ng mga nabubuhay at ng mga nangamatay na tao, tulad ng sinasabi natin sa panalanging Kredo.
ANO ANG KAUGNAYAN NG “WAKAS NG BUHAY” NG TAO AT NG “WAKAS NG PANAHON?”
Ang “gitnang panahon” sa pagitan ng wakas ng buhay ng bawat tao at wakas ng panahon ng daigdig ay nagbibigay liwanag sa kaugnayan ng dalawang wakas na nabanggit. Ang dalawang wakas na ito ay magkaugnay at hindi magkataliwas. Hindi ibig sabihing magkakaroon ng dalawang paghuhukom, isa sa oras ng ating kamatayan at isa pa sa wakas ng panahon. Ang huling paghuhukom sa pagkabuhay ng lahat ng namatay ay isang “ganap na pagbubunyag” lamang ng naganap na sa kamatayan ng bawat tao; magkakaroon lamang ng “mas kumpletong pang-unawa” sa huling paghuhukom tungkol sa lugar ng bawat isa sa Kaharian ng Diyos.
ANO ANG PARUSIA (PAROUSIA) O MULING PAGBABALIK NI KRISTO?
Bahagi ng ating pananampalatayang Kristiyano ang muling pagbabalik ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng panahon bilang Dakilang Hukom ng lahat. Sa Ingles, tinatawag itong “second coming” (ikalawang pagbabalik). Subalit nakakalito ang ganitong pananaw. Darating ba siya sa ikalawang pagkakataon para ulitin ang naganap na? Sa halip na “ikalawang pagbabalik,” mas magandang gamitin ang salitang biblical na Parusia (mula sa salitang Griyego, Parousia; 1 Tess 4: 13-18/ Mt. 24-25/ Pahayag 19; 11ss at 20: 4-6).
Ang Parusia ay hindi lamang tungkol sa muling pagbabalik ni Hesus na matagumpay at maluwalhati. Ang Parusia ay ang pagbubunyag at pagku-kumpleto ng buong hiwaga ng kaligtasan kay Kristo. Sa Parusia, si Hesus ay madiin at matatag na ibubunyag bilang Panginoon at tatanggapin siya bilang ganito nga. Sa halip na ikalawang pagbabalik, mas mabuting gamitin ang Parusia bilang ang huli at lantad na pagdating ni Kristo sa kaluwalhatian.
BAKIT KAILANGANG PA ANG “GITNANG PANAHONG” ITO
SA PAGITAN NG ATING KAMATAYAN AT NG PAGKABUHAY NA MULI NG LAHAT NG YUMAO?
Tunghayan natin ang isang munting homilia ni Origen, isang sinaunang teyologo at manunulat na Kristiyano. Sinabi niya: “Papasok ka sa kagalakan kapag lumisan ka sa buhay na ito sa kabanalan. Subalit ang iyong ‘buong kagalakan’ ay darating lamang kung wala nang kulang sa iyong mga bahagi. Kaya, dapat kang maghintay sa iba, tulad din na naghintay ang iba para sa iyo. Kung ikaw na bahagi ay hindi magkakaroon ng ganap na kagalakan habang may kulang pang bahagi, lalo na kaya siya, ang Panginoon at Tagapagligtas, ay ituturing ding hindi ganap ang kanyang kagalakan habang may isang bahagi ng katawan niya na nawawala pa. Tatanggihan niya ang ganap na kagalakan kung wala pa kayo, ibig sabihin, kung wala kayo na siyang bumubuo ng kanyang katawan at mga bahagi nito.” (Homilia ni Origen ukol sa Levitico)
Kaya, ang kaligtasan at paghuhukom ay tumutukoy sa bawat isa sa atin subalit ang bawat isa ay nabubuhay at may pag-iral lamang sa pakikipag-ugnayan sa iba. Ang isang tao ay hindi makararating sa ganap na kalagayan hanggang ang lahat ng taong karapat-dapat ay nakarating na din doon. Ang pansariling kaligtasan at ang pangkalahatang kaligtasan ay magka-ugnay. Makikita din natin ang pag-iisip na ito sa larawan ng simbahan bilang Katawan ni Kristo, ang pagkaka-ugnay ng lahat ng bahagi ng katawan (1 Cor 12).
Sa mga Hudyo, ang kamatayan ay pagpasok sa “Sheol,” sa daigdig ng mga yumao kung saan ang pinakamatingkad na katangian ay ang kawalan ng pakikipagtalastasan, walang komunikasyon. Ang muling pagkabuhay ng mga namatay ay ang proseso kung saan magkakaroon muli ng ganap na komunikasyon ang lahat na naputol sa kamatayan at ngayon ay muling ibabalik at itatatag sa tamang lugar. At hindi lamang ang ugnayan ng tao ang magbabalik kundi pati ang kanyang kaugnayan sa lahat ng nilikha ng Diyos, sa bagong langit at bagong lupa na lilikhain ng Panginoon. Sa ganitong kalagayan, pupuksain ng Diyos ang kanyang kaaway, na tumatangging tanggapin ang kabanalan ng Panginoon at sumisira sa dangal ng tao.
ALAM BA NATIN ANG DETALYE NG HULING PAGHUHUKOM?
Bagamat maraming mga tao ang madaling magbigay ng kahulugan sa mga nagaganap na digmaan, kalamidad, sigalot, bagong milenyo o mga kaguluhan sa mundo, tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam kung ano ang magaganap sa apoy ng huling paghuhukom. Ang lahat ay bahagi ng hiwaga ng Diyos (Mt 24: 36). Maraming mahilig maghanap ng mga tanda ng wakas subalit kahit may mga tanda, hindi pa ito ang wakas (Mt 24: 6) dahil lahat ay nasa kamay ng Diyos.
Dahil ang Diyos ay hiwaga at mananatiling hiwaga, walang puwang para sa panghuhula o prediksyon sa ganitong mga bagay. At wala ding makapagsasabi ng eksaktong detalye ng anumang hakbang na gagawin niya sa wakas. Ang hinihingi lamang sa atin ay patuloy at matatag na umasa na ang wakas nga ay darating, ang Diyos ay matapat hanggang huli, at mahal niya ang daigdig sa pamamagitan ng kanyang Anak at ng kanyang Espiritu. Ang mundo at kasaysayan ay wala sa kamay ng kung anu-anong puwersa. Sa huli, tanging ang Diyos ang mananatili sa lahat (1 Cor 15:28). “In te Domine speravi; non confundar in aeternum,” (Sa iyo, Panginoon, ako nagtiwala; hindi ako masisiphayo kailanman).
ourparishpriest 2023 (reference: Kasper, Walter)
1 Comments