MGA SANTONG LUMILIPAD?
Ilan sa mga santo ang nakaranas ng himala na tinatawag na “levitation” kung saan umaangat sila sa lupa habang nasa taimtim na panalangin na tila ba walang kapangyarihan ang gravity na pigilin ang kanilang pag-angat. Ayon sa iba, tila lumilipad sa ere ang nakakaranas ng ganitong himala. Subalit ang himalang ito ay hindi ninais ng sinumang santo kundi isang tunay na kaloob ng Diyos sa kanila. Bihira at iilan lamang ang naitalang mga santo na nagkaroon ng ganitong karanasan.
San Jose Cupertino
Pinakatanyag na yata ang tinatawag na “flying saint” na si San Jose Cupertino (1603-1663), ang patron ng mga estudyanteng kumukuha ng exam. Naganap ang levitation ni San Jose Cupertino sa gitna ng pagdiriwang ng Misa at sa pagninilay siya sa harap ng mga imahen ng mga santo. Tinatayang may 70 pagkakataon na nasaksihan ito ng mga tao. Minsan naganap ito sa harapan mismo ng Santo Papa Urbano VIII. Inakala ng ilan na ito ay gawa ng masamang espiritu o ng kulam, subalit matapos ang masusing pag-aaral, napatunayan na ang pag-angat ni San Jose Cupertino ay bunga ng kanyang kababaang-loob at kabanalan. Tinanghal siyang santo noong 1767.
San Francisco ng Asisi
Isinulat naman ni San Bonaventura na ang founder ng Franciscan Order na si San Francisco ng Asisi ay madalas na matagpuang lumulutang sa ere habang nasa taimtim na panalangin o ecstasy. Minsan daw ay nakakaabot pa ito sa mga puno o kaya sa himpapawid. Subalit sa proseso ng pag-aaral bago ipahayag si San Francisco ng Asisi bilang santo, walang nabanggit ang mga napiling saksi na kinunan ng opinyon o pagsangguni. Maaaring ang mga kwento sa kanya ay naipasa lamang ng mga deboto kahit na walang pinagbabatayan.
Santa Teresa ng Avila
Ilang beses nasaksihan ang pag-angat sa lupa ni Santa Teresa ng Avila. At mismong siya ang nagsulat ng kanyang mga karanasan sa kanyang aklat. Ayon sa kanya, pilit niyang pinipigil ang ganitong pangyayari subalit nananaig ang biyaya ng Diyos. Sa una ay napuno daw siya ng takot dahil sa hindi maipaliwanag na karanasan, na napalitan ng karanasan ng pagmamahal ng Diyos sa lumaon. Sa mga nakasaksi, madiin niyang bilin na huwag sana itong ihahayag sa ibang tao. Nahiya si Santa Teresa at ayaw niyang isipin ng mga tao na siya ay banal kaya madalas niyang ipinagdasal na tumigil ang pangyayari ng levitation sa kanyang buhay.
Santa Maria ni Kristong Nakapako (St. Mary of Jesus Crucified, 1846-1878)
2015 nang hirangin bilang santa si Santa Maria na isang monghang Carmelite at isang Palestinian. Minsang hindi natagpuan sa hapunan ang mongha, nakita siyang naka-angat sa itaas ng isang puno at umaawit. Nang utusan siya ng kanyang superiora na bumaba, dahan-dahan itong bumalik sa lupa. Mga walong beses na nakita ang mongha na tila lumilipad at kahit na minanmanan siya ng mga kasama kung ito ay panloloko lamang, wala silang nakitang natural na paliwanag para dito.
Bakit nagaganap ang mga levitation o pag-angat/ paglipad ng mga santo? Dito makikita natin ang matapat na pagmamahal sa Diyos ay nagbubunga ng paghulagpos ng isang tao sa kanyang kahinaan. Bagamat madalas at karaniwang nagaganap ito sa loob ng puso o kaluluwa, minsan pinapayagan ng Diyos na maipakita ito panlabas sa pamamagitan ng katawan ng tao. Ang levitation ay pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos at hindi ng tao, parang isang silip sa magaganap na pagkabuhay na muli ng mga nilalang sa pagdating ng Panginoong Hesukristo (1 Tes 4: 16-17).
Isa din itong tanda ng tagumpay ng Diyos at ng kanyang matapat na alagad sa gitna ng kasalanan at kabulukan ng daigdig na ito, sa gitna ng isang taimtim na panalanging humahatak sa puso paitaas sa Diyos. Ganito ang pagninilay ng isa kong lola, ang Nana Atang (Fortunata Marcos) nang minsang mapag-usapan naming ang paksang ito. Isa itong tahasang tanda ng pag-iisa ng Diyos at ng tao, at hamon sa atin na hanapin din ang malalim na kaugnayan sa Panginoon.
ourparishpriest 2023 (reference: Catholic Exchange); photo, thanks to Fr. Tam Nguyen