Home » Blog » SAINTS OF NOVEMBER: LAHAT NG MGA BANAL

SAINTS OF NOVEMBER: LAHAT NG MGA BANAL

NOBYEMBRE 1

A. KUWENTO NG BUHAY

Isang hinihintay at pinananabikang holiday ang araw na ito sa Pilipinas. Tulad ng Pasko at mga Mahal na Araw, kaugalian ng lahat na umuwi sa kanilang mga bayan bago sumapit ang Nobyembre 1 at 2. Kaya sa mga lungsod ay grabe ang trapik papalabas at patungo sa mga probinsya.

Ilang araw pa bago dito, namimili na ang mga tao ng kandila para dalhin sa mga sementeryo sa kanilang pagdalaw. Naglilinis na rin sila ng mga puntod ng kanilang mga mahal na yumao.  Parang isang reunion ang nagaganap sa sementeryo tuwing Nobyembre 1 (kahit na ang talagang pista para sa mga yumao ay Nobyembre 2 pa).

Parang ding siksikang kalsada sa Edsa ang bawat lansangan patungo sa mga sementeryo tuwing Nobyembre 1 dahil sa dami ng mga sasakyan at mga taong naglalakad, nagtitinda at pabalik-balik.  Mas maraming tao ang gumugunita na ng pista ng mga yumao (kahit mas maaga o advance, ika nga) sa araw na ito kaysa sa susunod na araw dahil ang Nobyembre 1 at hindi ang Nobyembre 2 ang opisyal na holiday sa bansa.

Marami din namang mga parokya ang unti-unti nang nagtatama sa nakaugalian ng mga tao nang matagal na panahon, upang mabigyan ng tamang paggunita ang magkahiwalay na pagdiriwang ng Nobyembre 1 at Nobyembre 2.

Ang araw na ito, Nobyembre 1, ay para sa lahat ng mga banal, mula sa Mahal na Birheng Maria, mga apostol at mga martir, at lahat ng mga banal na kinikilala ng simbahan dito sa lupa. Sila ang mga may titulong Blessed/ Beato at Santo/ Santa.

Subalit kasama din sa parangal ang lahat ng mga banal na hindi nabigyan ng karangalan na tawaging Blessed/Beato o Santo/Santa dito sa lupa. Mas maraming mga kaluluwa ang kapiling na ng Diyos sa langit at nagtatamasa ng kagalakan ng kabanalan sa harapan ng Panginoon, kahit na hindi natin sila kilala o naparangalan sa opisyal na paraan.

Ito ay bunga ng paniniwala ng simbahan na maraming mga tao ang tahimik na nagsabuhay ng kanilang pagiging matapat na lingkod ng Panginoon habang sila ay nabubuhay pa. Tiyak na ang ilan sa kanila ay mga kaibigan at kapamilya o kamag-anak natin na nauna nang nakapasok sa kaluwalhatian ng langit matapos ang buhay ng pakikibaka at pagsusumikap na maging tunay ng mga anak ng Diyos.

Bahagi din ng araw na ito ang paggunita sa doktrina ng pananampalataya na tinatawag na kalipunan o kasamahan ng mga banal (communion of saints). Tayo ang simbahang “naglalakbay” pa sa lupa (church militant) dahil hindi pa tapos ang ating misyon sa buhay at ang ating pakikipagbuno sa maraming mga tukso at mga pagsubok.  Ang Lahat ng mga Banal sa langit naman ang simbahang “nagtagumpay” na at nagkamit na ng kanilang gantimpala mula sa Diyos.  Sa pagitan ng simbahang “naglalakbay” at simbahang “nagtagumpay” ay mayroong isang buhay na ugnayan dahil may pagkakaisa at pagkakabuklod ang lahat ng mga anak ng Diyos.

Dahil dito, may lakas loob tayong lumapit sa mga banal na nasa langit na upang humingi ng kanilang tulong at gabay.  Kung nagpapatulong tayo sa isa’t-isa dito sa lupa, mas lalong makaaasa tayo ng tulong mula sa mga banal sa langit. Hindi ang mga banal ang nagbibigay ng biyaya, dahil Diyos lamang ang tagapagbigay ng biyaya. Pero tumutulong ang mga banal upang dalhin sa Diyos ang ating mga panalangin dahil sa kanilang malasakit at pagmamahal sa atin. Hindi ba magandang malaman na may kaugnayan tayo sa mga nasa langit na?  Hindi kayang wasakin maging ng kamatayan ang relasyon ng mga magkakapatid sa pananampalatay.

At isang bahagi lamang ito ng ating debosyon sa mga banal. Bukod sa pagdarasal para sa atin, ang mga banal o mga santo ay huwaran o modelo natin sa buhay Kristiyano. Hindi lamang tayo dapat magdasal o humingi ng tulong mula sa mga santo.  Mas maganda na humugot din tayo ng lakas ng loob at inspirasyon na mabuhay tulad ng kanilang ginawa sa lupa.

Kalimitan, para sa marami sa atin, ang mga santo ay para lamang sa paghingi ng pabor. Dapat nating mabawi ang mahalagang gampanin ng mga banal para sa atin – bilang mga huwaran sa ating pang araw-araw na buhay.  Hindi ba mas madali maging mabuting Kristiyano kung mayroong tutularan na halimbawa? Tandaan natin na ang plano ng Diyos ay maging banal din tayo tulad nila, kaya ang naganap sa kanila ay magaganap din sa atin.

B. HAMON SA BUHAY

Pasalamatan natin ang Panginoon sa biyaya ng pagkakaloob niya ng mga banal para maging huwaran at katuwang natin. Ipagdasal nating unti-unti din tayong maging banal sa gitna ng ating mga pagsusumikap sa mundong ito na sundan ang mga bilin ng ating Panginoong Jesukristo.

K. KATAGA NG BUHAY

Mt 5, 8-10

Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.

(From the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)