Home » Blog » SAINTS OF OCTOBER: SAN CALIXTO I, MARTIR

SAINTS OF OCTOBER: SAN CALIXTO I, MARTIR

OKTUBRE 14

A. KUWENTO NG BUHAY

Alipin na naging bangkero na naging bilanggo na naging sepulterero na naging pari at humantong sa pagiging Santo Papa – ibang-iba ang landas na pinagdaanan ng santo sa araw na ito patungo sa landas ng kabanalan at kagitingan sa mata ng Diyos at ng simbahan.  Dahil isa rin sa mga sinaunang santo ng kasaysayan ng simbahan, walang mga detalye ng unang mga taon ng kanyang buhay si San Calixto.

Ang unang nabanggit sa mga naisulat tungkol sa kanya ay ang kanyang mababang pinagmulan sa antas ng lipunan.  Si San Calixto ay isang dating alipin mula sa lungsod ng Roma.  May kuwento na siya ay naging tagapagtatag ng isang bangko sa Roma. 

May kuwento naman na nagsasaad na bilang isang alipin, siya ang pinagkatiwalaan na magtago ng pera ng kanyang amo na mula naman sa mga donasyon ng mga tao para sa simbahan. Naiwala ni San Calixto ang mga salaping ito kaya siya ay tumakas papalayo sa lungsod.  Hindi nagtagal at nahuli siya pero nagmakaawa ang mga tao na palayain siya taglay ang pag-asa na baka mabayaran niya ang nawalang salapi.

Muling dinakip si San Calixto dahil sa pakikipag-away niya sa isang sinagoga kung saan tinangka niyang mangutang sa ilang mga Hudyo o mangolekta doon sa mga nagkakautang sa kanya. Sa pagkakataong ito, ipinatapon siya sa asinan ng Sardinia noong taong 186.

Dahil sa isang malakas na koneksyon, pinalaya si San Calixto mula sa ikalawang pagka-bilanggo niya at tinulungan pa ng Santo Papa Victor I. Na-ordinahan siya bilang diyakono at pari ni Santo Papa Ceferino.  Pagkatapos ay inatasan siyang maging tagapamahala ng mga libingan na pag-aari ng simbahan.  Ang libingang ito ay naging tanyag bilang sementeryo ng mga yumaong Santo Papa.

Nang mamatay ang Santo Papa, nakakagulat na nahalal bilang kahalili si San Calixto.  Bagamat maraming natuwa sa desisyong ito, marami din ang tumutol at hindi matanggap ang naganap na paghirang kay San Calixto.  May nagtangka na maghalal ng katunggali na Santo Papa subalit hindi naman ito nagtagumpay.

Limang taon din nanungkulan si San Calixto sa pamumuno sa buong simbahan. Kahit maikli ang panahong ito, ginamit ng Diyos ang kanyang alipin upang ipakita ang awa at habag mula sa langit at upang gabayan sa pananampalataya ang mga tao.

Nilabanan ni San Calixto ang maling aral na tinatawag na Sabellianism, na nagsasabi na ang Salita ng Diyos, si Jesukristo, ang Ikalawang Persona ng Santissima Trinidad, ay mas mababa sa Ama sa kanyang pagka-Diyos.

Tinanggap muli ni San Calixto ang mga taong itiniwalag ng simbahan dahil sa mga kasalanang malalaki, matapos na ang mga ito ay gumawa ng penitensya at pagsisisi.  Kinilala din niya ang pagiging mag-asawa ng ilang mga tao na hindi kinikilala noon ng batas ng gobyerno ng Roma, tulad ng pagmamahalan ng isang amo at ng isang alipin nito.

Hindi lahat ng desisyon ni San Calixto ay nagustuhan ng kanyang mga kalaban. Sa panahon niya ay walang naitalang pag-uusig sa mga Kristiyano pero kinikilala pa rin siya bilang isang tunay na martir dahil sa mga salaysay tungkol sa kanyang kamatayan noong taong 222 o 223.

Ayon sa isang kuwento, si San Calixto ay namatay dahil sa pambubugbog ng mga tao.  Ayon naman sa iba, siya ay itinapon sa isang malalim na balon na may pabigat sa leeg.  Nang mabawi ang kanyang katawan mula sa balon, si San Calixto ay inilibing noong gabi ding iyon.

B. HAMON SA BUHAY

Pambihira ang pinagdaanang hirap ng santong ito sa iba’t-ibang yugto ng kanyang buhay. Ito marahil ang dahilan at napakalambot ng kanyang puso sa mga taong makasalanan at nagsisisi at sa mga nangangailangan ng kanyang paggabay. Dasalin natin na gawin tayong dalisay ng mga mapapait nating karanasan upang maging kasangkapan tayo ng awa at pag-ibig ng Diyos.

K. KATAGA NG BUHAY

Salmo 33,18

Nakatuon ang mata ng Panginoon sa mga maypitagan sa kanya, sa mga umaasa sa walang-maliw niyang pag-ibig.

(From the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)